MARAMING umaarbor kapag nakahuli ng "tulak" si Jamias. Nangyari ang mga iyon noong panahong siya pa ang hepe ng Narcotics Unit ng Western Police District. Tenyente pa lamang siya noon. Marami siyang binangga. Maraming nasagasaan. Maraming tinanggihang pakiusap na huwag nang tuluyan ang naarestong "tulak". Maraming napahiya.
"Trabaho ko ito. Hindi nyo ako kayang paikutin at linlangin," sabi niya sa mga nang-aarbor ng "tulak".
Pinaka-notorious sa mga nagtutulak ng droga ay ang isang nagngangalang Ivan So ng Sta. Cruz, Manila. Naging sakit ng ulo ni Jamias si So sapagkat hindi niya madakma. Labas masok na sa jail pero laging nakalalabas. Alam ni Jamias kung bakit naglalagay kasi sa mga umaarestong pulis. Pera-pera lang ang katapat. Pagkalabas, balik uli sa pagtutulak. Naging big time "tulak".
Pero maging ang madulas mang palos ay hindi nakaliligtas kay Jamias. Sa matiyagang pagmamanman niya ng mga kasamahan sa Narcotics Unit, nasakote nila si So. Bata pa ito, edad 24 lang pero sagad sa buto ang pagtutulak. Kilalang-kilala sa Sta. Cruz.
Pinainan ni Jamias. Isang asset niya ang nagkunwaring bibili ng "bato" kay So. Nagkaayos. Nang nasa akto na ng pagbibigay ng pera at shabu, lumantad sina Jamias. Tiklo si So.
Nang nasa kulungan na isang abogado ang lumapit, inaareglo nang malaking pera.
"Gusto mo kasuhan kita?" tanong ni Jamias. "Abogado ka pa naman hindi mo alam ang batas."
Walang imik na umalis ang abogado.
Sunod na araw isang lalaki ang dumating at nagpakilalang malapit sa isang opisyal ng Manila City Hall. Inaareglo rin ang kaso ni So. Tumanggi si Jamias.
Halata sa mukha ng lalaki ang pagkapahiya. Hindi nakuha sa areglo si Jamias. Kinabukasan, pinag-almusal siya ng death threats.
(Itutuloy)