BAKA kahawig lamang ni Goody ang babaing iyon, naitanong ni Elmer sa sarili nang naglalakad akay ang inarestong lider ng mga rallyists. Pero malakas ang kutob niyang si Goody nga iyon, ang school mate niya na niligawan naman ni Ding na kaibigan niya at siya pa ang taga-bigay ng love letter. Napakagandang babae!
Nang muling lingunin ni Elmer si Goody, wala na ito sa kinatatayuan. Nang-hinayang si Elmer. Dapat ay nalapitan na niya si Goody kung hindi lamang sa inarestong lider ng rallyist.
Kinabukasan, hindi mapakali si Elmer. Muling binalikan ang lugar na iyon at nagbaka-sakaling makita si Goody. Ibig niyang makatiyak. Pero wala siyang nakita. Marahil ay nagawi lang sa lugar na iyon si Goody. Pero malakas pa rin ang kutob niya na maaaring sa lugar ding iyon nagtatrabaho si Goody. Nang makita niya ito kahapon ay nakapang-office dress at maaaring pauwi na dahil alas-singko ng hapon. Gumana ang kanyang isipang nahasa sa pag-iimbestiga. Maaaring sa travel agency nagtatrabaho si Goody.
Nang hapon ding iyon, dakong ala-una ay naghagilap siya ng direktoryo ng PLDT at hinanap ang pangalan ng travel agency. Nakita. Dinayal ang number. Sumagot ang babaing operator. Tinanong kung anong kailangan ni Elmer.
"Mayroon ba kayong empleyada na Goody Ramirez ang pangalan?"
"Yes Sir. Meron po."
"Puwede ba siyang makausap?"
"Hold on please."
Nag-ring sa kabila. Inilipat sa ibang departamento. May babaing sumagot.
"Hello good afternoon. Puwede po bang makausap si Ms. Goody Ramirez."
"Speaking."
"Goody!"
"Yes ako nga. May I know whos on the line?"
"Si Elmer. Elmer Jamias. Yung kaibigan ni Ding, yung school mate mo sa Araullo natatandaan mo?"
"Elmer Jamias? Ah, ikaw yung may perfect set of teeth?"
(Itutuloy)