Susie san: Japayuki (Ika-62 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

PINASOK kami sa bahay ni Roy isang gabi. Inabangan na lumabas ang kapatid kong si Tony at may binili sa tindahan sa kanto. Sumalisi ang walanghiya. Ako ay kasalukuyang nasa banyo at naliligo. Si Trina naman ay nasa kanyang kuwarto. Nang lumabas ako sa banyo ay nakaupo na sa sopa si Roy. Gulat ako. Bagamat matagal ko nang pinaghandaan na maaaring mangyari iyon, nasira ang aking plano. Ako pa ang naunahan ng takot. Hindi makakilos sa maaaring gawing katarantaduhan ni Roy.

"Akala mo siguro hindi na ako pupunta rito ano?" sabi na nanlilisik na mga mata ay nakatingin sa aking dibdib na bahagyang natatakpan ng tuwalya.

Pinilit kong magpakatatag. Kung magmamatigas ako malamang ay mauuwi na naman sa gulo ang lahat. Maaaring maging marahas na si Roy sapagkat pakiramdam sa sarili ay aping-api na siya sa mga nangyari sa kanya. Bukod doon ay nabilanggo pa.

"Kundi dahil sa tatay mo, hindi ako mabibilanggo!" sabi nito.

"Ba’t ang itay ko?"

"Siya ang nagnguso sa akin. Kapag nakita ko ‘yang tatay mo, tapos na siya."

"Roy nakikiusap naman ako, tapusin na natin ito."

"Ayoko."

"Nakikiusap naman ako. Gusto ko nang matahimik."

"Gagantihan ko ang itay mo."

"Bibigyan kita ng pera lumayo na lamang sa akin."

Nangislap ang mga mata. Parang hayok na hayop.

"Talagang marami ka nang pera ano? Binibili mo na ako."

"Gusto ko nang matahimik."

"Bigyan mo ako ng pera tapos mag-sex tayo ngayon din. Matagal na akong tigang, alam mo ba."

Natigilan ako. Isang bitag na naman ang inihahanda sa akin. Kung tatanggi ako baka magwala na naman. Kung pagbigyan ko baka sakaling mabawasan ang pagkatopak at umalis na. Iniisip ko kasi baka ang kapatid kong si Tony ang pagbalingan dahil sa galit kay Itay. Pumayag akong makipag-sex. Sa banyo namin idinaos iyon. Hayok na hayok ang walanghiya. Madaling nakaraos.

"Sabi ko na’t mahal mo pa rin ako," sabing nakangisi nang mairaos ang pagnanasa. Ako ay walang kaimik-imik.

Nang dumating si Tony ay gulat na gulat kung bakit naroon si Roy.

Sinemplehan kong kausapin. Sabi ko’y huwag na niyang pansinin para walang gulo.

Binigyan ko ng pera si Roy at mabilis itong umalis. Walang problema. Walang gulo.

(Itutuloy)

Show comments