NASA sulok ng simbahan si Roy. Nahagip ng tingin ko nang naglalakad na ako patungo sa altar. Kinabahan ako sapagkat maaari siyang makita ni Itay at ng iba ko pang kamag-anak at maaaring magkagulo. Hindi marunong tumupad sa usapan si Roy. Sinabi kong huwag siyang magpapakita habang narito si Toshi. Makapal talaga ang mukha! Matapang ang sikmura na kayang saksihan ang pagpapakasal ko. Kaya niya ang ganoong tanawin. Manhid na marahil dahil sa shabu.
Nagulo ang isipan ko habang ginagawa ang seremonya. Hindi naman sana gumawa ng gulo si Roy.
"Aistemashu," pabulong na sabi ni Toshi matapos ang seremonya ng kasal. Mahal na mahal kita. Nagpalakpakan ang mga tao ng halikan ako sa labi ni Toshi.
"Kokoragawi nai," sabi pa. (Hindi ako magbabago kahit kailan).
Ibig kong mapaiyak. Iyon ang maligayang sandali para sa akin. Natupad din ang pangarap kong maikasal sa lalaking umibig sa akin ng tapat.
"Ein ne," sagot ko naman sa kanya. Hindi rin ako magbabago sa kanya.
Nang muli akong tumingin sa kinaroroonan ni Roy ay wala na ito. Marahil ay tumalilis na nang makita na maghahalikan kami ni Toshi. Tinablan din siguro ang walanghiya.
Mahal ko si Toshi at ang paglilihim ko sa kanya tungkol kay Roy ay nakaka-konsensiya. Hindi ko na kaya. Lamang ay wala akong magawa. Hindi ko mapigilan si Roy ha huwag magpunta sa bahay. Tinatakot ako.
Minsan, nagpunta ito sa bahay at gustong manggulo. Gusto lang pala akong hingan ng pera. Si Toshi noon ay patungo na ng Japan. Hindi pa niya ako maisama sapagkat inaayos pa ang papeles ko.
Dumating si Roy habang nasa banyo si Toshi at naliligo.
"Bakit nagpunta ka rito? Di ba usapan natin kapag narito si Toshi ay hindi ka magpapakita?"
"Wala na akong pera?"
"Marami akong ibinigay sa iyo. Inubos mo na naman sa shabu."
"Bibigyan mo ako o hindi?"
Natapos na si Toshi sa banyo at nakita niya si Roy. Gusto kong mahimatay sa pagkakataong iyon.
(Itutuloy)