Susie san: Japayuki (Ika-46 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

KAILANGAN ko nang taong makakapitan. At si Toshi iyon. Seryoso siya. Kung hindi siya tapat sa sinasabi, hindi na niya uulitin ang mga pangako sa akin. Siguro nga, siya na ang taong magbibigay ng mga hinahanap ko sa buhay.

Si Roy? Ayaw ko muna siyang isipin sa mga oras na iyon. Hindi ko na inabala ang aking isipan tungkol sa kanya. Si Toshi ang tanging mahalaga sa mga sandaling iyon.

Tinanggap ko ang pag-ibig niya. Mahal ko na rin siya. Iyon ang sinasabi ng isip ko.

"Aishiaimashu,"
nakatawang sabi ni Toshi. Mahalin daw namin ang isa’t isa.

Sa kauna-unahang pagkakataon, inapuhap ni Toshi ang aking palad at marahang pinisil iyon. Mainit ang kanyang malambot na palad. Sumanib ang init sa mga palad ko at nanulay patungo sa aking katawan hanggang sa kaliit-liitang ugat.

"Aishiteimashu,"
mulit niyang inulit ang pagsasabi ng "Minamahal kita".

"Honto ni?"
tanong ko. (Totoo ba?")

"Kokorogawi nai,"
sagot niya. (Totoo at hindi ako magbabago).

Noon ko naalala ang mga sakit na naranasan sa kamay ni Roy. Malakas na suntok sa braso at tagiliran. Hampas ng walis-tambo sa mukha at ang hindi mabilang na sipa sa aking hita at binti. Masakit! Walang awa! Ewan ko nga ba kung bakit sa dakong huli ay lumambot ako sa kanya.

Gumanti ako ng pisil sa palad ni Toshi. Isinusuko ko ang sarili sa kanya. Maaari na niya akong angkinin kung gusto niya. Kahit saan niya ako dalhin, hindi ako tututol.

(Itutuloy)

Show comments