PINAKALMA ko muna si Roy at nang inaakala kong lumipas na ang tama ng tinirang shabu ay inumpisahan kong iimpake ang aking mga damit. Bago pa ako mapatay ni Roy, kailangang makaalis na ako.
Habang iniimpake ang mga damit ay nararamdaman ko ang mga sakit na idinulot ni Roy sa aking katawan. Masakit ang aking braso at namamanhid ang aking mukha dahil sa pagkakahampas ng walis-tambo. Walanghiyang lalaki!
Pinroblema ko naman kung paano ako haharap kina Itay at Tony. Siguradong makikita nila ang mga pasa ko. Tiyak na magagalit si Itay kapag nalaman na binugbog ako ni Roy. Pero wala akong ibang mapupuntahan kundi ang aking ama. Itinuloy ko ang pag-iimpake ng damit at sinamantalang nahihimbing si Roy sa pagkakahiga sa sopa.
Nang dumating ako sa amin, galit na galit si Itay nang makita ang namamaga kong braso. Nangitim na iyon. Wala akong nagawa kundi sabihin ang lahat.
"Putang inang Roy na iyan! Papatayin ko siya!"
Tinangka ni Itay na umalis para hanapin si Roy pero pinigil ko. Sabi koy pabayaan na lamang siya.
"Kung bakit ang tarantadong iyon ang napili mo!"
Nagising ang anak kong si Trina dahil sa pagmumura ni Itay. Umiyak. Kinarga ko.
"Mabuti na nga iyang ginawa mo na hiwalayan yon. Ikaw na ang nagpapakain e may gana ka pang bugbugin," sabi ni Itay na hindi humuhupa ang galit. Si Tony man ay kinakitaan ko ng galit dahil sa ginawa sa akin ni Roy.
"Baka naman kaunting lambutsing lamang ay bumigay ka sa kanya," sabi ni Itay pagkaraan.
Hindi ako sumagot. Nang mga sandaling iyon ay iba ang aking naiisip. Si Toshi! Sa mga nalasap kong sakit sa kamay ni Roy, ang inihahaing pag-ibig ni Toshi ang aking binabalikan sa isip. Sa palagay ko, wala nang makapipigil pa sa akin na tanggapin ang pag-ibig na iyon.
Subalit, mahina ako. Pagkaraan ng mga natanggap kong sakit sa kamay ni Roy, bumigay uli ako sa kanya.
Pagkaraan nang may dalawang linggo, inabangan ako. Galing ako sa ahensiyang magpaalis sa akin. Noon ay may isang linggo na lamang at pabalik na ako sa Japan.
"Patawarin mo na ako Susie, magbabago na ako."
"Umalis ka sa harap ko!"
"Susie "
Umiyak siya sa harap ko. Unti-unti, nadudurog ang puso ko.
(Itutuloy)