Susie san: Japayuki (Ika-11 labas)

(Ang mga pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may akda sa pakiusap na rin ng nagtapat.)

MASAYA ang una kong pag-uwi. Pinasaya sa katotohanang may uwi akong pera. Naisip ko, kapag mayroong pera ang tao lahat ng nakikita ay maganda. Iyon ang unang pagkakataon na nakita kong makislap ang mga mata ni Itay. Ang ngiti ay abot hanggang tainga. Sinalubong ako nina Itay at Tony sa airport. Siyempre, hindi kasama si Roy sapagkat nang mga panahong iyon, hindi pa naman alam ni Itay na siyota ko siya. Aywan ko kung nagpapatay-malisya lamang si Itay na walang nalalaman tungkol sa pakikipag-relasyon ko.

"Sa wakas mapapalitan din yung luma nating 14 inches na TV. Ba’t hindi ka doon bumili para Made in Japan?" tanong ni Tatay nang bumili kami sa duty free ng 21 inches na TV.

"Mahirap Itay. Ibabayad ko pa ng aircargo."

Bukod sa TV, bumili ako ng electric fan, rice cooker at napakaraming chocolates.

"Anak, sa sunod aircon naman ang bilhin mo," sabi ni Itay.

Tumango lamang ako. Si Tony ay nakatingin lamang sa akin. Talagang tahimik ang kapatid ko. Kanina, hinalikan niya ako sa pisngi tanda na nasasabik sa akin. Mabait ang kapatid ko.

Hindi mailarawan ang damdamin ni Itay nang nasa sasakyan na kami. Para bang tumama ako sa lotto.

"Kailan mo ba ako ibibili ng jeepney anak?"

"Mag-iipon pa ako Itay."

"Nakakainis na kasi tong mga kumpare ko, tanong nang tanong kung kailan ako magkakaroon ng jeepney."

"Paano nalaman na magkakaroon kayo ng jeepney?"

"Siyempre ikinuwento ko."

Hindi na ako nagsalita.

Kinabukasan, umalis ako para makipagkita kay Roy. Aaminin ko, sabik na ako sa kanya. Ang may anim na buwan naming paghihiwalay, para sa akin ay katumbas na ng isang taon o mahigit pa.

Nang lumabas ako ng bahay ay nadaanan ko si Itay na nakikipag-inuman sa dalawang kumpare.

"San ka ‘punta, Anak?"

"Sa kaibigan ko."

"Ingat ka at baka madukutan."

Hindi na ako nagsalita. Ang isip ko ay na kay Roy. Sabik na ako.

(Itutuloy)

Show comments