"Magpahinga ka na Sol, buong maghapon ka nang nakasubsob sa trabaho," sabi ni Ate Josie habang nakatayo sa may pintuan ng silid.
"Oo Ate Josie. Tatapusin ko lang to exam na namin next week at kailangang makapag-review na ako para hindi mahirapan."
"Baka naman magkasakit ka e lalong mas mahirap."
"Kaya ko Ate Josie."
Linggo ang aking day-off at hinahayaan ako ni Ate Josie na lumabas o mamasyal. Kailangan daw ng katawan ko iyon. Kaunting relaxation sa isang linggong trabaho. Kabisado na ni Dang ang aking schedule at kapag ganoong linggo, usapan naming magkita sa Quiapo church para doon magsimba. Pagkatapos magsimba, tutungo kami sa isang mall at doon magpapalipas ng oras. Kuwentuhan at kapag napagod sa pagkukuwentuhan ay kakain.
"Gusto kong magkasama na tayo Ate Sol. Para bang balewala na rin ako sa bahay at si Ate Neng na lamang ang palaging tama kay Tatay " ang tinig ni Dang ay seryosong-seryoso.
"Magtiis ka muna Dang. Kung ako nga nakapagtiis noon sa ating bahay, mas lalo ng kaya mo. Mas mahirap ang sitwasyon ko noon kaysa sayo. Ikaw, anak ka talaga ni Tatay at kahit na pagalitan ka nang pagalitan, okey lang. Ako, hindi naman niya anak kaya masakit kapag inaapi."
"Kung maglayas din kaya ako at maghanap ng trabaho para makapag-aral? Tulad mo "
"Huwag mong gagawin yan dahil magagalit ako sayo. Baka kung ano lamang ang mangyari sayo. Baka mapahamak ka dahil maraming krimen ngayon."
Hindi na nagsalita si Dang.
Minsan isang hapon na papasok na ako sa unibersidad ay nagulat ako nang makita si Dang. Kinabahan ako sapagkat alam kong may dala na naman siyang problema. Bagsak ang mukha. Naka-uniporme pa si Dang ng eskuwelahang pinapasukan. Halatang hindi pa umuuwi at ako ang unang pinuntahan. Nagtiis magbiyahe para makausap ako.
"Anong nangyari Dang?"
"Me iniuwing babae si Tatay sa bahay. Magli-live in na yata sila." (Itutuloy)