Maria Soledad (Ika-85 na labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)
NANG dumating si Tatay kinahapunan at makita si Ate Neng ay lalong bumagsak ang mukha. Para bang nadagdagan pa ang sakit na nararamdaman bunga ng pagkamatay ni Inay. Makaraang sulyapan ay tuluy-tuloy sa loob ng funeral parlor. Humabol si Ate Neng kay Tatay sa loob. Sumunod ako, karga ang natutulog na anak ni Ate Neng. Naiwan si Dang sa kinaroroonan ng burol para salubungin ang mga nakikiramay. Isang paraan para hindi makagawa ng gulo si Tatay ay ipakikita ko ang kanyang apo. Baka sakaling patawarin na si Ate Neng.

Hindi pa ako nakapapasok sa loob ay narinig ko na ang pagmumura ni Tatay. Inuulit ang mga sama ng loob dahil sa ginawang pag-aasawa ni Ate Neng.

"Sayang na sayang talaga ang mga ginastos kong pera. Kung sana’y hindi ka lumandi kaagad, baka nasa second year college ka na. Sayang talaga!"

"Tatay, sorry na po."

"Ngayong patay na ang inay mo, ano pa ang halaga ng mga pangarap ko? Wala na."

"Tatay maaari ko namang ituloy ang pag-aaral ko. Kahit na may anak na ako."

Sa pagkasabing "anak" ay tila ba "nabuhay" si Tatay at nawala ang mga hirap ng loob dahil sa pagkamatay ni Inay.

"Maaari ko namang ituloy kung ano ang gusto niyo sa akin," sabi ni Ate Neng at lumapit na kay Tatay.

"Ikaw kasi ang tigas ng ulo mo," sabing may lambot na sa boses.

"Pinagsisisihan ko na iyon Tatay," sabi ni Ate Neng at yumakap kay Tatay, "patawarin n’yo na ako…"

Hindi sumagot. Sunud-sunod ang buntunghininga. Malalim.

"Kung si Inay napatawad na ako, bakit kayo hindi?"

Hindi sumagot. Ilang saglit na nakatingin sa kawalan. Nang hindi na siguro matiis si Ate Neng ay tahimik na umiyak. Iyak-lalaki. Gumulong ang luha sa pisngi.

"Sinaktan mo kasi ako. Hindi ko matanggap. Pero kung sinuyo mo ako noon baka matagal na kitang tinanggap dito…"

Iyon ang hudyat ng pagpapatawad.

"Nasaan ang apo ko?"

Saka ako biglang lumapit ang iniabot ang bata kay Tatay. Natutulog pa ito.

Si Ate Neng ay nakatingin sa akin. Makahulugan. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin niyon.

(Itutuloy)

Show comments