Maria Soledad (Ika-57 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

NANG hapon ding iyon ay kinumpronta ni Inay si Ate Neng. Hindi pa naibababa ang bag, ay rumatsada na ang bibig ni Inay.

"Totoo bang may boyfriend ka na, Neng?" may tigas sa tinig ni Inay. Noon ko lamang nakitang nagtaas ng boses si Inay kay Ate Neng.

"Wala po."

"May nagsabi sa akin. Nakita kayong magka-holding hands at parang walang pakialam sa mundo. Ang bata-bata mo pa para makipag-boyfriend."

"Wala akong boyfriend, Inay."

"Huwag ka nang magsinungaling. Humanda ka sa Tatay mo. Tiyak na magagalit iyon. Ayaw na ayaw niyang makikipagboyfriend habang nag-aaral pa. Kilala mo naman ang tatay mo masamang magalit."

"Wala nga po akong boyfriend. Kulit naman!"

"Sinong makulit? Huwag mo akong tataasan ng boses. Matagal na akong napupuno sa iyo."

Hindi umimik si Ate Neng. Nakasimangot. Nakikita ko ang pangyayari sapagkat nakasilip kami ni Dang sa siwang ng pinto ng kuwarto. Halos magkakasabay kaming umuuwi kung hapon galing sa school. Si Ate Neng ay fourth year high school na noon samantalang ako ay nasa second year. Si Dang naman ay grade 6.

"Istorbo sa pag-aaral ‘yang pagbo-boyfriend. Masisira ang ulo mo riyan. Tiyak nang papasok sa ulo ay ang paglalambingan n’yo hanggang sa wala ka nang matandaan sa mga aralin mo."

Hindi pa rin kumikilos si Ate Neng sa pagkakaupo sa sopa. Sambakol ang mukha.

Nagpatuloy si Inay sa pagsesermon. Hindi mapigil ang sarili. Ayaw na ayaw din kasi niyang makikipagboyfriend si Ate Neng. Sagabal lamang sa pag-aaral.

"Gusto mo bang tumanda na walang natapos? Sigurado ako na walang laman yang kukote mo kundi ang boyfriend mo. Iwasan mo siya. Hindi pa panahon para sa seryosong relasyon."

Umiyak si Ate Neng. Parang bata na pinalo. Sa tagpong iyon siya dinatnan ni Tatay. Sa loob ng kuwarto ay mga mata lamang namin ni Dang ang nag-uusap. Ano ang gagawin ni Tatay kapag nalamang nakikikipag-boyfriend na si Ate Neng.

"Ate Marisol sino ba ang nagsumbong kay Inay na may boyfriend na si Ate Neng?"

Hindi agad ako nakaimik. Umamin din ako.

"Ako. Pero huwag mong sabihin kay Ate Neng, ha?"

"Tiyak magagalit si Tatay. Ayaw ni Tatay makipag-boyfriend muna di ba?"

"Baka saktan si Ate Neng," sabi ko.

"Tiyak yon."

"Sana pala hindi ko na sinabi kay Inay."

Nakapanhik na si Tatay at nagulat nang makitang umiiyak si Ate Neng. Si Ate Neng naman ay lalo pang inilakas ang pag-iyak. Nakakita kasi ng kakampi. (Itutuloy)

Show comments