Maria Soledad (Ika-43 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

AYAW din naman ni Tatay na may mangyari sa akin. Kahit masama ang loob at may inis kay Inay at siyempre sa akin, hindi rin matiis na hindi ako dalhin sa ospital. Sa kabila ng mga pakitang "kasamaan" mayroon pa ring natitirang buti sa kalooban.

Namulatan ko na ang eksenang mas higit ang ipinakikitang pagmamahal ni Tatay kay Ate Neng. Wala pa nga akong kaalam-alam na hindi pala ako anak ni Tatay. Palibhasa’y bata pa, walang sinasabi sa akin si Inay. Ang buong akala ko, sa dugo at laman din ni Tatay ako galing.

Kapag naglalambing si Ate Neng kay Tatay ay makikihalo rin ako sa kanila. Halimbawa’y nasa salas sina Tatay at Ate Neng at nakakalong at naglalambing. Sasabihin ko kay Tatay na ako naman ang kargahin.

"Tatay ako naman. Si Ate Neng na lamang lagi," sabi ko pa at bibitin sa braso ni Tatay.

Pero titingin lamang sa akin ng matalim. Hindi ko naman iintindihin iyon palibhasa’y wala pa akong alam sa tunay kong pagkatao. Patuloy akong maglalambitin sa kanyang braso. Itataas ang mga braso para hindi ako makabitin. Pero lulukso ako para maabot.

"Ano ba?"

"Ako naman, Tatay. Gusto ko ring makarga."

"Umalis ka nga diyan!"

Sa pagsigaw na iyon saka lamang ako titigil. Uupo na lamang ako sa sopa at saka titingin kay Tatay at kay Ate Neng. Didilaan naman ako ni Ate Neng.

Wala pa akong alam sa tunay na pagkatao at wala pang muwang na magtanong.

Madalas masaksihan ni Inay ang ganoong sitwasyon at para mawala sa akin ang inggit sa ginagawa ni Tatay kay Ate Neng, yayayain ako sa ibaba at kung anu-anong paraan ang gagawin para mawala sa isipan ang nangyari.

Pero hindi lamang gayon ang aking nararanasan. Mas madalas na ako ang pinapalo ni Tatay kahit na may kasalanan din si Ate Neng.

"Matigas ang ulo mo. Dapat sa iyo palambutin na habang bata pa," sabi at sunud-sunod akong papaluin ng sinturon.

(Itutuloy)

Show comments