Maria Soledad (Ika-33 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

BAKIT hindi pa raw ipina-abort sa Saudi ang dinadala ni Inay. Kahit sa harap ng pagkain basta sumingit ang masamang nangyari kay Inay ay nagmimistulang simaron si Tatay na walang makapipigil sa pagsasalita.

"Wala pang nag-aabort doon?" inulit pa ang tanong na ang mga mata raw ay hindi kumukurap habang nagsasalita.

At kapag ganoon na kasama ang sinasabi ni Tatay hindi na rin makatiis si Inay. Hindi niya kayang pumatay ng sariling dugo. Kaya nga ba siya nagpilit tumakas ay gustong angkinin ni Mohammed Al-Bishi ang nasa tiyan niya. Hindi niya kaya na maiiwan sa Saudi ang batang nasa tiyan niya. Sisiklab din ang galit ni Inay at magkakaroon ng komprontasyon.

"Hiwalayan mo na lang ako para matahimik ka na. Hirap na hirap na ako. Hindi ko naman ginusto na ako ay ma-rape sa Saudi. Marunong ka bang umintindi?"

"Huwag kang sumigaw. Marinig pa ng mga kapitbahay natin na ‘yang nasa tiyan mo ay dugo ng Arabo."

"Wala akong pakialam! Sabihin na nila ang sasabihin!"

"Tumigil ka!"

"Hiwalayan mo na lamang ako."

"Ikaw ang umalis dito."

Natigilan si Inay. Mula nang dumating siya, noon lamang nagsalita ng ganoon si Tatay. Siya raw ang umalis! Kahit galit, hindi nagsasabi ng ganoon. Siguro nga’y gusto na silang maghiwalay.

Tumayo si Inay. Pero bago umalis sa mesa ay sinulyapan si Ate Neng. Tiningnan ang reaksiyon kung sasama sa kanya sa pag-alis. Nakatingin lamang si Ate Neng. Walang reaksiyon. Parang nasisiyahan pa sa nangyayari.

Umakyat si Inay at kinuha ang bag ng damit. Isinilid ang mga damit na nasa aparador. Aalis siya. Hindi niya alam kung saan pupunta. Wala naman siyang kamag-anak sa Maynila. Ang kaisa-isang kapatid ay nasa malayong probinsiya. Bahala na. Kung nalampasan niya ang hirap sa disyerto makaraang pagtangkaan ng Pakistaning rapist, dito pa siya sa sariling bansa matakot.

Naisip na kaya rin naman niyang buhayin ang anak na nasa sinapupunan. Kahit ano ang mangyari bubuhayin niya ang bata. (Itutuloy)

Show comments