Maria Soledad (Ika-32 labas)

(Ang ilang pangalan ng tauhan at lugar sa kuwentong ito ay binago ng may-akda sa pakiusap ng nagtapat.)

PALAKI nang palaki ang tiyan ni Inay. At habang papalapit nang papalapit kanyang panganganak, parami rin nang parami ang pasakit na kanyang nararanasan kay Tatay. Gayunman, tiniis na niya iyon. Kasalanan din naman niya. Kung hindi siya pumayag sa kagustuhan ng among si Mohammed Al-Bishi, hindi naman siya mabubuntis. Ang isang nagpapagulo sa kanyang isip, patuloy siyang nagkukunwari kay Tatay. Napaniwalang na-rape siya sa Saudi Arabia gayong hindi naman. At wala namang nahahalata si Tatay sa pagsisinungaling na iyon.

Halos araw-araw ay may takot o galit na sinasabi sa kanya si Tatay. Para bang natatakot habang papalapit nang papalapit ang isisilang ni Inay.

"Alam mo, natatakot ako sa sasabihin ng mga kapitbahay natin dito kapag lumabas na ‘yan. Siyempre hindi ko kamukha ‘yan. Putang-ina na naman itong buhay na ito."

Kapag ganoon na naman ang usapan, si Inay na ang nagpapakumbaba. Wala naman siyang magagawa. Mas maraming ikinatata-kot si Tatay o ikinagagalit kapag bagong dating ito galing sa trabaho. Ang gagawin ni Inay ay ikukuha nang malamig na beer si Tatay sa refrigerator. Kusa nang bumibili ng beer si Inay para mawala ang nararamdang inis, galit o takot ni Tatay.

"Ipinagluto kita ng paborito mong pulutan, bagay sa malamig na beer," sasabihin niya kay Tatay. Pagkatapos ibigay ang isang boteng beer ay kukuha ng malinis na damit.

Sa ganoong paraan, ay nabubuhusan ng malamig ang mainit na ulo ni Tatay at pansamantalang nalilimutan ang takot, pagkainis, galit sa nalalapit na pagsisilang ni Inay.

Pero mas madalas na hindi mapigil ang galit o inis. Biglang-bigla ang pagdating na parang sumasabog na bulkan. Walang pinipiling lugar kahit na kumakain.

"Mas mabuti pa yatang ipina-abort mo na ‘yan sa Saudi. Kaysa naman na ganitong bawat araw ay natatakot ako sa maaaring mangyari kapag lumabas na ‘yan. Wala bang abortionist doon?" (Itutuloy)

Show comments