NAMUTLA ako sa tanong ni Jean. Hindi agad ako nakahagilap nang maisasagot. Posible ngang makita ni Jean si Inay at Rocky sa DPWH branch sapagkat malapit lamang doon ang kanilang bahay.
"Nagpaputol pala ng buhok ang inay mo. Bagay sa kanya lalong bumata at sumeksi. Lola na e mukhang sariwa pa," sabi ni Jean.
Hindi ako nagsasalita. Hinahayaan ko na lamang na magkuwento nang magkuwento.
"Babatiin ko sana ang inay mo kaya lang, masinsinan ang kanilang pag-uusap ni Rocky."
Iniba ko ang usapan pero sa aking isip ay naglalaro na nang araw na iyon, na nakita ni Jean si Inay at si Rocky, maagang umalis ang dalawa. Pinaalis lamang si Tatay patungong opisina. Ang aking pamangkin sa pagkakatanda ko ay nasa mga magulang ni Rocky. Mula kasi nang mangyari ang komprontasyon naming tatlo ay wala na kaming pakialaman sa isat isa . Aalis ako na parang walang anuman at ganoon din si Inay. Wala nang pakialaman. Tumigas na ang damdamin ko. Ano pa ang aking ikatatakot? Hindi ko na dapat pang igalang ang katulad ng aking ina na nagpakalublob na sa kasalanan.
Natatandaan ko na gabi nang dumating si Inay ng araw na iyon. Mas nauna pa akong dumating galing sa school. Si Tatay naman ay wala pa rin sapagkat may pinagagawa pa raw ang mayor sa munisipyo. Narinig ko ang pagpasok ni Inay sa gate. Kahit na maingat ang pagpanhik sa itaas naririnig ko iyon. Nakiramdam ako.
Mga limang minuto lamang ang nakalipas ay may dumating. Sumilip ako sa bintana. Si Rocky!
Agad sumilid sa isip ko magkasama silang dalawa. At palagay ko, nagpalipas sila ng maghapon sa motel. Hindi ako maaaring magkamali sapagkat habang tumatagal, lalo pa silang nagiging close sa isat isa. Nang mga panahong iyon, si Rocky na ang hepe sa branch ng DPWH. Maganda na ang puwesto kaya may dahilan para hindi gustuhing pumunta sa Maynila. Isa pa nga, para hindi maputol ang kanilang relasyon ng aking "makating ina." (Itutuloy)