Koronang tinik (Ika-26 labas)

(Kasaysayan ni Gina, isang domestic helper sa Hong Kong. Ang mga pangalan at lugar sa kuwentong ito ay sadyang binago sa pakiusap ni Gina.)

MARAMI pa akong napansing pagbabago hindi lamang sa ugali ni Inay kundi pati na rin sa kanyang kaanyuan. Isang hapong galing ako sa school (noon ay second year high school na ako) hindi ko halos makilala si Inay sapagkat ang kanyang mahabang buhok ay ipinaputol.

Ako ang nanghinayang sapagkat mula nang maliit pa ako, ang kaanyuan niyang may mahabang buhok na maayos na nakasuklay ang akin nang nakasanayan.

Ang bago niyang anyo na maikli ang buhok, ay nagbigay sa akin ng impresyon ng pagiging "malandi". Iyon ang tingin ko.

"Bakit níyo ipinaputol?" Iyon ang naitanong ko nang makita ko siyang nakaupo sa salas at nilalaro ang aking pamangkin. Wala pang ibang tao sa bahay. Maaga pa para dumating si Rocky at si Tatay.

"Maganda ba?" tanong din ang isinagot sa akin. Ibinaba ko ang aking bag sa mesita at pabagsak na naupo sa malambot na sopa.

"Para kayong nagmukhang lalaki."

Kumunot ang noo. Inayos ang pagkakaupo sa kandungan ng aking pamangkin. Inayos ng isang kamay ang buhok. Hinawi ang sa may taynga.

"Di ba ito ang uso ngayon? Naiinitan na kasi ako."

"Alam ni Tatay?"

"Hindi."

"Di ba sabi n’yo ‘yan ang nagustuhan ni Tatay noon kaya kayo niligawan?"

Napaismid. Isa pa iyon sa napansin ko, kapag may hindi gustong narinig ay umiismid. Pumapakla ang mukha.

"Noon iyon. Wala nang interes dito ang tatay mo. Gusto ko namang mabago ang itsura."

Nagulat ako sa sinabi ni Inay. Wala na raw interes si Tatay doon. Ano kaya ang ibig ni-yang sabihin? Lalo pang lumawak ang aking isipin. (Itutuloy)

Show comments