MAY pang-aasar akong nakita sa mukha ng bayaw kong si Rocky. Para bang sinasabi sa ekspresyon ng mukha, "O e di napagalitan ka ngayon." Tiyak kong nagsumbong siya kay Inay dahil sa pagbalewala ko sa kanyang itinatanong kanina habang ako ay nanonood ng TV. Wala kasi ako sa mood kanina at isa pa hindi naman talaga ako close sa kanya. Hindi mapagkakatiwalaan, iyon ang impresyon ko. Basta ganoon ang feeling ko.
Nagulat ako sa pagkublit ni Inay na sumunod sa akin palabas ng kuwarto. Pasimpleng nagsalita pero ang boses ay sa isang nag-uutos na diktador "Mag-sorry ka kay Rocky. Magsorry ka!"
Hindi naman ako kumikilos sa pagkakatayo sa may pinto. Si Rocky ay napansin kong gumawi sa salas. Kaming tatlo lamang ang nasa bahay ng oras na iyon sapagkat si Tatay ay ipinatawag ng mayor. At gusto kong mainis, kahit na siguro naroon si Tatay ay wala naman siyang magagawa. Gusto kong mainis!
"Hindi ko naman sinasadya Inay ang nangyari kanina e bat nyo ako pagsosorihin," sagot ko kay Inay na may bahid ng inis sa aking boses.
"Bat para kang naiinis. Gusto mong lumaban sa akin ha?"
"Hindi po."
"Sige magsorry ka kay Rocky. Wala kang utang na loob gayong nagbibigay sa iyo ng baon."
Halos hilahin ako patungo sa salas. Wala akong nagawa kundi ang mag-sorry. Nilapitan ko si Rocky sa pagkakaupo.
"Mag-sorry daw ako sa iyo e di mag-sorry!" Napangiti si Rocky. Pero iyon ay tilang ngiti ng sa isang mabangis na aso. Mula sa kinatatayuan ko ay nakatingin si Inay. Tila nasiyahan sa ginawa kong pagsosori. (Itutuloy)