MADALI ngang nakuha ni Rocky ang loob ni Inay dahil sa ipinakita nitong pagkamaalalahanin at pagiging makuwento. Palibhasa nga siguro na hindi rin nagkakalayo ang kanilang edad, si Inay nang mga panahong iyon ay 36 lamang at si Rocky kung hindi ako magkakamali ay 30. Magkahenerasyon sila kung titimbangin. Gaya ng aking nasabi sa unang mga labas ng kuwentong ito, kung pagtatabihin si Ate at si Inay ay mapagkakamalan silang magkapatid. Balingkinitan pa rin ang katawan ni Inay. Hindi nasira kahit na dalawa ang naging anak. Makinis pa rin ang kutis. Laging maayos ang suot at napaka-sariwang tingnan.
Ang mga kilos ni Inay ay lagi kong nasusubaybayan at kung minsan lalo na kapag dumarating si Rocky sa gabi ay inuutusan nito si Ate na asikasuhin kaagad ang asawa. Sasabihin ni Inay na kawawa naman sapagkat maghapong trabaho. Bibigyan ng instruction si Ate na dapat ay nakahanda na ang isusuot na pambahay, tsinelas, tubig na pampaligo at pati ang pagkain sa hapunan.
"Tingnan mo ang ginagawa ko sa Tatay mo. Ganyan din ang gawin mo kay Rocky," sabi pa kay Ate.
"Nahihirapan na akong kumilos Inay. Mabigat na kasi itong tiyan ko."
At parang mauunawaan ni Inay ang kalagayan ni Ate. At ang nangyari si Inay na ang naghahanda ng mga kailangan ni Rocky.
"Bakit luma pa rin yang suot mong shorts Rocky?" tanong nito minsan isang gabi matapos kumain si Rocky.
"Hindi pa naman ito marumi Inay."
"Palitan mo na. Marami akong nilabhang shorts mo. Nakatiklop sa cabinet."
"Mahihirapan kayo sa paglalaba niyan. Kumuha kaya tayo ng labandera."
"Kaya ko yan!"
"Sige di sa inyo ko na lang ibibigay ang perang para pambayad sa labandera."
At makikita ko ang katuwaan sa mga mata ni Inay. Gusto niya ang pagmamalasakit ng kanyang manugang. Para bang uhaw siya sa ganoong pagmamalasakit. Wala kasing kibo si Tatay. Walang imik. Ewan ko kung bakit. (Itutuloy)