NAGTAGUMPAY si Sapitula laban sa mga drug pusher na sina Victor Meneses ng Pilapil, Tondo at kay Noel Pangan ng Legarda, Sampaloc (karugtong ito ng nalathala noong November 9 Editor). Si Pangan, 20, ay pinaka-kilabot at kinatatakutang drug pusher sa Legarda at sa iba pang lugar sa Sampaloc, Manila. Wala ring awa kung pumatay.
Ang pagiging kilabot ni Pangan ay hindi nakasindak kay Sapitula na noon ay Senior Inspector at nakatalaga sa Narcotics Unit ng Western Police District (WPD). Inaresto ni Sapitula at mga kasamahan si Pangan. Nagtangka pang tumakas si Pangan subalit nakahanda na ang bitag nina Sapitula. Bumagsak ang notorious na drug pusher.
Sinampahan ng paglabag sa Republic Act 6425 si Pangan. Tinutukan din ni Sapitula ang kaso ni Pangan. Matibay ang mga ebidensiya na magdidiin sa pusher. Ipinirisinta niya ang mga relevant materials at naging matagumpay siya. Alam ni Sapitula ang batas sapagkat nang mga panahong iyon ay nag-aaral siya ng Law sa Adamson University.
Nang nasa kainitan ang paglilitis kay Pangan hindi akalain ni Sapitula na mayroon pa siyang matutuklasan. Minsang puntahan niya sa city jail si Pangan ay may ibinigay ito sa kanyang sulat.
"Ibigay ko raw sa inyo, Kapitan," sabi ni Pangan sa kanya.
Kinuha niya ang sulat at binasa. Galing sa isang kapwa niya pulis sa WPD. Nakikiusap ang pulis. Hinihingi na huwag nang ipagpatuloy pa ang pag-prosecute kay Pangan. Bigyan daw ng pagkakataon ang bata. Magbabago na raw ito. Mahigpit ang pakikiusap ng pulis. Ang nasabing pulis ay kilala ang pangalan sapagkat naisalin na sa pelikula ang buhay.
Hindi natinag si Sapitula sa pakiusap ng pulis. Tuloy ang kaso ni Pangan. Nahatulan ng "life" si Pangan sa sala ni Judge Alberto Salvador ng RTC Branch 9 ng Maynila noong October 2, 1992.
Nagtagumpay na naman si Sapitula sapagkat isa na namang salot ng lipunan ang kanyang naipakulong.
(Itutuloy)