KAILANGANG mailigtas ang mga hostages sa kamay ng desperadong security guard na si Dante Apiag. Mahalaga ang buhay ng tatlong hostages na nakilalang sina Eduardo Lachica, 56, may-asawa, retired army colonel at mga anak na si Aileen, 16 at Edison, 4. Kung hindi gagawa ng matalino at mabilis na aksiyon si Insp. Sapitula, maaaring magdilim na ang paningin ni Apiag at ratratin ang hostages.
Pinaposisyon ni Sapitula ang kanyang mga tauhan. Nakalapit sa kinaroroonan ni Apiag at sa isang senyas ay dinamba ang hostage taker. Inagaw sa kamay nito ang baril. Nagkaroon ng pagbubuno, subalit walang nagawa sa lakas ni Sapitula at mga kasama. Hanggang sa tuluyang mawalan ng lakas ang hostage taker. Ligtas na napalaya ang mga hostages pagkaraan ng ilang oras sa kamay ng sekyu.
Ang matagumpay na pag-rescue ni Sapitula sa mga hostages sa Sta. Cruz, Manila ay naging balita. At nasundan pa iyon ng mga matitindi pang hostage drama.
Noong umaga ng March 17, 1999, isang hostage-taking ang naganap sa Area H, Parola Compound, Tondo, Manila. Ang hostage taker ay si Alfonso Bayot, 32, isang houseboy, tubong Kaburan, Digos, Davao del Norte. Tatlong bata ang hinostage ni Bayot.
Bago ihostage ang tatlong bata, dalawa katao na ang napapatay ni Bayot at dalawa rin ang nasusugatan. Sa tipo ay hindi pahuhuli nang buhay si Bayot. Matigas. Handang makipagtipan kay Kamatayan.
Subalit ang kanyang tigas ay hindi umubra sa tapang ni Sapitula. Napasuko si Bayot at nailigtas ang tatlong bata.
Ilang linggo ang nakalipas, noong April 8, 1999, isang hostage na naman ang naganap sa M. Dela Fuente St. Sampaloc, Manila. Dalawang babae ang hinostage ni Dennis Mijaro, 28. Sa hostage-taking na ito nahirapan si Sapitula. Tumagal ng dalawang oras ang negosasyon. (Itutuloy)