Bukod sa pangyayaring iyon, marami pang kakatwang nangyari. Patuloy ang ginagawa nilang pagsulat at pagti-text sa akin at kay Gina.
Isa sa labis kong ipinagtataka ay ang sinasabi ng mga duwende sa sulat at text na "pinuprotektahan" nila si Gina sa kaaway. Iyon daw ang dahilan kaya ayaw nila itong papasukin sa school.
Ang mga text na galing sa duwendeng si Briana ay nagpapakita na kailangang gawin nila ang bagay na iyon (pagkakasakit) upang mailigtas sa kaaway ang aking anak. Sa isa sa mga text ni Briana sa akin ay ganito ang nakasaad: "Mother huwag mo muna siyang papapasukin dahil delikado."
Nangamba ako sa nakasaad sa text. Sinagot ko iyon: "Nandiyan naman kayo, e di bantayan nyo."
Nag-text uli ng sagot: "Mababantayan namin siya pero hindi maipagtatanggol dahil hindi kita ang buwan".
Ang ipinagtataka ko ay kung sino ang mga kalaban na kanilang tinutukoy. At nagulat pa ako sa itinext: "Kunin ang temperatura ng dalawa mong anak at kung sino ang mataas iyon ang inuuna ng kalaban."
Naguluhan ako sa babalang iyon tungkol sa sinasabing kalaban. Isa pang kakatwa ay nang tumawag ang isang kaklase ni Gina at sinabing ang kalaban ay malapit lang sa school at nasa may kotseng itim. Nagduda si Gina kung ang tumawag nga ay kanyang kaklase. Nahihiwagaan siya sa boses nito. (Itutuloy)