^

True Confessions

La Viuda (33)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SA gitna nang malamig at mamasa-masang semento ng kanyang selda, isinandal ni Andres ang kanyang ulo sa pader habang nakatitig sa dilim. Pilit niyang inaalala ang bawat segundo noong nakaraang gabi kung saan may nangyari sa kanila ni Kristina. Pilit niyang binalikan ang init ng balat nito, ang amoy ng buhok nito, at ang marubdob na halikan nila na tila nag-alis sa lahat ng latay at sugat sa kanyang katawan. Ang alaala ng gabing iyon ang naging tanging pinanghahawakan niya sa gitna ng impyerno ng kanyang pagkakakulong. Hangga’t nakatatak sa kanyang puso na naging kanila ang gabing iyon, kayang-kaya niyang tiisin ang bawat sakit at lason dito sa kanyang kulungan. Ngunit naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang makarinig siya ng mga yabag. Dahan-dahang isinuot ang naputol na kadena sa kanyang bukung-bukong para mapagmukhang nakakadena pa rin siya dito. Hindi nagtagal, lumitaw si Mang Teban mula sa dilim, hawak ang mangkok ng maitim likido na gawa sa mga halamang gamot na gabi-gabi ipinapainom sa kanya.

“Ibuka mo ang bibig mo,” utos ni Mang Teban habang marahas na inilalapit ang mangkok sa mga labi ng bilanggo.

Dahil sa sanay na si Andres sa gabi-gabing ritwal na ito, natutunan na niya ang tamang kumpas ng pagpapanggap. Hinayaan niyang pumasok ang maitim na likido sa kanyang bibig nang hindi ito tuluyang nilulunok. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata at inilaylay ang ulo, upang magpanggap na tuluyan na siyang nawalan ng malay mula sa lakas ng gamot. Pinagmasdan muna siya ni Mang Teban nang ilang sandali bago dahan-dahang tumalikod at umakyat sa hagdanan patungo sa itaas. Nang makaramdam si Andres na malayo na ang matanda at wala na ito sa kanyang paligid, mabilis niyang idi­nura ang lahat ng likidong itinago sa kanyang bibig sa sulok ng semento. Pilit niyang pinunasan ang kanyang labi at muling ibinagsak ang ulo upang magpanggap na walang malay sakaling balikan siya nito. Ngunit bago pa man tuluyang tumahimik ang buong underground tunnel, umalingawngaw ang mahihinang boses mula sa bukana sa itaas. Dahil sa siwang ng lihim na pintuan at sa lakas ng echo sa loob, malinaw na nakakarating sa kanya ang pag-uusap nina Mang Teban at Doña Presentacion.

“Mabuti at hindi na nanlalaban ‘yung bastardo tuwing pinaiinom mo siya ng mga gamot mo,” malamig na boses ng Donya ang narinig ni Andres. “Tiyakin mong handa ang kanyang dugo bago ang ika-apatnapung gabi.”

“Huwag kayong mag-alala, Donya Presentacion,” sagot ni Mang Teban. “Napapansin kong buhay na buhay ang kanyang dugo. Mabuti at hindi nasayang ang mga gabing ‘pinapatakas’ natin siya sa silid ng dalaga.”

“Anong ibig mong sabihin?” May pagtataka at pagkasabik sa boses ng donya.

“Natupad na ang plano natin sa dalawa. Naipunla na ang binhi sa pagsisidlan nito.”

Naiwang nakatitig sa dilim si Andres habang nanginginig ang buong katawan sa ma­tinding galit at kilabot. Na­pagtanto ang karumal­dumal na katotohanan: ang gabing akala nila ni Kristina ay kanila at puno ng tapat na pagmamahal... ay ang mismong patibong ng mga demonyo sa mansiyon.

Itutuloy

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with