Samurai Blue bida sa 2YO Maiden race
MANILA, Philippines — Halos hindi pinagpawisan ang Samurai Blue matapos nitong angkinin ang korona sa 2-Year-Old Maiden race na inilarga sa pista ng Philippine Jockey Club kahapon sa Padre Garcia, Batangas.
Mabilis na lumarga sa alisan ang outstanding favorite upang hawakan ang bandera at iwanan agad ang mga katunggali sa kaagahan ng karera.
Pagsapit ng kalagitnaan ng karera ay nasa apat na kabayo ang lamang ng Samurai Blue sa pumapangalawang Peaceful Campaign, tersero ang Purple One at nasa pang-apat ang Jumpin Jack Flash.
Pagdating ng far turn ay nasa anim na kabayo na ang lamang ng Samurai Blue, habang nasa pangalawang puwesto ang Purple One at lumagapak sa pangatlo ang Peaceful Campaign.
Halos wala nang gustong humabol sa Samurai Blue sa rektahan dahil nasa walong kabayo na ang lamang nito kaya tinawid ang meta na walang kahirap-hirap.
Ginabayan ni veteran jockey Val Ramos Dilema ang Samurai Blue na inirehistro ang tiyempong 1:14 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner Tisha Sevilla ang P15,000 added prize.
Nakopo ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500 at may P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod, sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
- Latest





















