Tres Queridas (9)
Hindi pa tuluyang nahahalughog nina Celeste, Diana at Lani ang apartment ni Carlo nang may dumating na naman sa pinto.
Mga miss, sino po sila?! Anong ginagawa niyo sa apartment ni Carlo?”
Napalingon silang tatlo sa pinto. Nakatayo roon ang isang kalbong lalaking may hawak na master key, nakasando at may nakasabit na tuwalya sa balikat, ang caretaker ng building.
“Kuya,” mabilis na humarap si Celeste, agad na nag-adjust ng kanyang tayo at isinuot ang kaniyang pinaka-intimidating na ngiti. “Ako nga po pala si Celeste. Sila naman si Diana at Lani, magkakapatid po kami. Si Lani, asawa siya ni Carlo, may kinukuha lang dito na gamit nilang mag-asawa.”
Napakunot ang noo ng landlord habang pinagmamasdan ang tatlong babaing nakatayo sa gitna ng silid. “Magkakapatid, kayong tatlo? Eh bakit magkakaiba kayo ng hitsura? Ikaw, ma’am,” turo nito kay Celeste, “mestiza ka. ‘Yung isa,” baling nito kay Diana, “chinita. Tapos ‘yung isa, morena. Magkakapatid ba talaga kayo? Baka naman mga magnanakaw kayo, ah!”
Hindi kumurap si Celeste. “Magkakapatid talaga kami, Magkakaiba lang kami ng nanay. Babaero kasi ang tatay namin, tatlo-tatlong babae ang pinagsabay-sabay,” nagngingitngit na paliwanag nito.
Bago pa man makasagot ang caretaker, dahan-dahang napaupo si Lani sa lumang upuan sa tabi ng desk, pilit na humahawak sa kanyang tiyan habang mabilis ang paghinga.
“Napagod na yata ako...” daing ni Lani.
Mabilis na pumasok sa eksena si Diana. Agad siyang lumapit at inalalayan si Lani. “Kuya, pakiusap naman po. Maselan ang pagbubuntis ng kapatid ko. Kailangan lang niya magpahinga. Kung bawal bumisita ang misis sa apartment ng mister niya, aalis din kami agad. May kukunin lang kami saglit, okay?”
Natigilan ang caretaker nang makita ang malaking tiyan ni Lani at ang seryosong mukha ni Diana. “Pasensiya na. Minsan lang kasi may bumisita sa kanya rito, matandang lalaki na tinatawag niyang ‘Tito’. Kaya akala ko wala siyang asawa kaya napaghinalaan ko tuloy kayo.”
Nang umalis na ang caretaker, huminga nang malalim si Diana at tumayo. Nilapitan niya ang malaking corkboard sa pader at mabilis na binatak ang nakatakip na Manila paper.
Napasinghap sina Celeste at Lani sa kanilang nakita. Ang buong pader ay puno ng mga nakadikit na litrato at dokumento: Mga lumang larawan ni Diana bago pa man niya makilala si Carlo, mga litrato ni Celeste noong graduation nito sa kolehiyo, at mga lumang larawan ni Lani noong dalagita pa ito.
(Itutuloy)
- Latest
















