Ang Tatlong Gold Fish
EXAMINATION time ng grade two section one. Ihing-ihi na ang batang lalaki pero ilang minuto na lang at matatapos na ang exam. Marami pa siyang hindi nasasagutan. Kailangang matapos niya ang pagsagot sa exam bago siya mag-may I go out kay Teacher.
Dala ng pressure na masagutan ang mahihirap na katanungan, ang pantog na kanina pa nagpipigil ay biglang bumigay sumabog ang mainit-init na ihi sa short pants ng bata. Tamang-tama naman na tapos na niyang sagutan ang lahat ng katanungan sa kanyang test paper. Ang problema kapag tumayo siya para iabot ang test paper kay Teacher ay mabibisto siya ng buong klase na napaihi dahil basang-basa ang puwitan ng kanyang shorts.
Kapag nabisto siyang napaihi, maaaring gamitin iyon para kantiyawan siya ng mga bully niyang classmates. Kaya noong oras din iyon, nagdasal siya nang buong taimtim: “Dear God hindi ko po alam ang aking gagawin pero iligtas po ninyo ako sa kahihiyan.”
Habang ang lahat ay nakatutok sa kanilang test paper, ang anak ni Teacher na nasa grade one ay humahangos na pumasok sa classroom. Ang anak ay nanalo sa science game kaya excited ito na ipakita sa ina ang premyong natanggap na tatlong gold fish na nasa plastic bag na may tubig. Madulas ang sahig ng classroom kaya nadulas ang anak ni Teacher. Ang hawak na plastic bag na may tubig ay tumalsik sa kandungan ng batang lalaking napaihi kanina.
Lihim na napangiti ang batang lalaki at buong taimtim na nagpasalamat sa Diyos. Si Teacher naman at anak nito ay hiyang-hiya at humingi ng pasensiya. Naawa sa kanya ang mga kaklase. Lumaki ang batang lalaki na naging madasalin hanggang nang tumanda ay nagpasyang maging pari. Ang pangyayaring iyon ang nagpalaki ng kanyang pananampalataya sa Panginoong Diyos.
- Latest




















