Mapua, Benilde ikakasa ang Finals duel
MANILA, Philippines — Pipilitin ng Mapua University at College of St. Benilde na plantsahin ang kanilang kauna-unahang championship series sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Lalabanan ng No. 1 Cardinals ang No. 4 Lyceum Pirates ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang pagsagupa ng No. 2 Blazers sa nagdedepensa at No. 3 San Beda Red Lions sa alas-2:30 ng hapon sa Final Four sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May hawak na ‘twice-to-beat’ advantage ang Mapua (15-3) at St. Benilde (14-4) kontra sa Lyceum (10-8) at San Beda (10-8), ayon sa pagkakasunod.
Isang panalo lang ang kailangan ng Cardinals laban sa Pirates at ng Blazers kontra sa Red Lions para maitakda ang kanilang unang best-of-three titular showdown.
Hangad ng Mapua ang kanilang unang korona matapos noong 1991 kung saan nila tinalo ang San Beda para sa back-to-back titles.
Ngunit hindi nila puwedeng balewalain ang kakayahan ng Lyceum.
“Mag-iiba ‘yung takbo dahil katulad ng LPU, siyempre sila rin galing sa sakit last year. So iba rin ‘yung motivation nila, iba rin ‘yung paghuhugutan nila,” ani Cardinals’ coach Randy Alcantara sa Pirates.
Kagaya ng Mapua, hangad din ng St. Benilde ang muling makalaro sa NCAA Finals matapos matalo sa Letran sa Season 98 title series.
- Latest