Mapua inupuan ang No. 1 spot sa F4
MANILA, Philippines — Kasabay ng pagwalis sa second round ay ang pagkopo ng Cardinals sa No. 1 spot sa Final Four ng NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Pinasadsad ng Mapua University ang sibak nang Arellano University, 75-69, para sa kanilang pang-siyam na sunod na ratsada kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Naglista si Chris Hubilla ng 12 points, 9 rebounds at 3 assists at tumipa si Clint Escamis ng 12 markers, 5 boards, 3 assists at 3 steals para sa 15-3 record ng Cardinals.
Pinamunuan ni Erjay Geronimo ang Chiefs (7-11) sa kanyang 15 points habang may 13 markers si T-mc Ongotan.
Plantsado na ang Final Four kung saan lalabanan ng No. 1 Mapua ang No. 4 Lyceum of the Philippines University (10-8) at sasagupain ng No. 2 College of St. Benilde (14-4) ang No. 3 at nagdedepensang San Beda University (10-7).
May bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage ang Cardinals laban sa Pirates at ang Blazers kontra sa Red Lions sa Final Four na nakatakda sa Sabado.
“Salamat sa mga players na hindi nagpabaya although na nandoon na kami sa twice-to-beat advantage pero sabi nga, hindi puwede ‘yung pupunta lang kami dito na ibibigay ang panalo sa Arellano,” ani Mapua coach Randy Alcantara.
Kaagad kinuha ng Cardinals ang 22-10 abante sa first period patungo sa paglilista ng 20-point lead, 53-33, sa third quarter.
Nakabangon naman ang Chiefs at huling nakalapit sa 69-72 sa dulo ng final canto.
- Latest