Umepal kay vp Sara, sumemplang!
Maraming umepal, maraming nag-ingay—pero pagdating sa Supreme Court, sumemplang ang mga petisyon. Ibinasura ang mga hamon sa ruling ng Senate Impeachment Court tungkol sa two-thirds threshold sa impeachment ni Vice President Sara Duterte. Hindi merits ang dahilan kundi procedural grounds, kabilang ang lack of standing at prematurity.
Dito malinaw ang aking posisyon: Senado muna. Ang Constitution mismo ang nagbigay sa Senate ng sole power to try and decide all cases of impeachment. Habang nililitis ang kaso, ang impeachment court ang unang may tungkuling magpasya sa rules at constitutional questions na kailangan nitong resolbahin.
Hindi rin basta inimbento ang ruling sa two-thirds. Pinakinggan ng senator-judges ang magkabilang panig at mga amici curiae. Nagpasya ang impeachment court na ang denominator ay mga senador na legally and factually capable of participating sa oras ng judgment—kaya hindi awtomatikong fixed sa 16 ang conviction threshold sa bawat sitwasyon.
Dito sumablay ang mga kumukuwestiyon sa ruling. Minadaling dalhin sa Supreme Court ang usaping wala pang aktuwal na epekto sa final judgment. May mga nakisawsaw at nagpetisyon—pero dismissal ang inabot. Mali ang timing, kulang ang standing, at wala pang final judgment.
Pero huwag baluktutin ang desisyon. Hindi sinabi ng Supreme Court na tama sa merits ang interpretation ng Senado. Hindi rin nito sinabing mali ang fixed 16. Ang mahalagang epekto ngayon: nananatiling umiiral ang ruling ng impeachment court habang nagpapatuloy ang constitutional process.
Kung magkaroon ng final judgment kay Sara at ang disputed threshold ang direktang nakaapekto sa resulta, saka magiging konkreto ang constitutional controversy. Doon maaaring kuwestiyunin ng direktang apektadong partido ang threshold sa Supreme Court—subject pa rin sa standing, justiciability at iba pang constitutional limitations.
Ganito dapat gumana ang separation of powers. Hindi kailangang pangunahan ng Supreme Court ang Senado sa usaping hindi pa hinog para sa judicial review. Hayaan ang senator-judges na dinggin ang ebidensiya, pakinggan ang prosecution at defense, at gawin ang tungkuling ibinigay sa kanila ng Constitution.
Sa impeachment, hindi ingay, pressure o dami ng nakikisawsaw ang dapat magtakda ng proseso. Impeachment court muna ang humatol. Kung pagkatapos ay may tunay na constitutional injury, saka kumatok sa Supreme Court. Senado muna—Korte Suprema kapag hinog na ang kaso.
- Latest
















