Truck driver, pahinante natuhog ng ide-deliver na bakal
MANILA, Philippines — Lasog ang katawan ng isang truck driver at kanyang pahinante nang aksidenteng matuhog ng bakal na kanilang idedeliver sa Brgy. Bunawan, Davao City.
Dead on the spot ang mga biktimang sina Nestor Dela Cruz Doronio, 56, driver, residente ng New Ilocos Magsaysay, Davao del Sur at pahinante na si KR Salem Reasonable, 24, mula sa Marber, Bansalan Davao del Sur.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente nitong Hunyo 25 sa Cargo Entrance, Davao International Airport, Garcia Highway, Brgy Bunawan Davao City.
Nabatid na karga ng prime mover truck ang nasa 50 piraso ng 12-millimeter steel sheets, nang biglang tumawid sa intersection sa pedestrian lane ang isang 32 anyos na Airport Security Assistant.
Biglang nagpreno si Doronio at tumagos ang mga bakal sa ulo ng truck kung saan naroon siya ng kasamang pahinante.
Naipit ang mga biktima at kinailangan ang rescuer upang matanggal ang kanilang katawan. Sa kuha naman ng CCTV sa lugar, naka-go ang signal light at iligal na huminto ang isang pampasaherong jeep at bumaba ang isang babae na tila nakipagpatintero sa pagtawid sa mga sasakyan.
Desidido naman ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide laban sa driver at sa pedestrian.
- Latest