Walang banta ng ‘pneumonic plague’ sa Pinas
MANILA, Philippines — Wala pang direktang banta o kumpirmadong kaso ng pneumonic plague sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH) at mga eksperto sa kalusugan.
Ayon sa infectious disease specialist na si Dr. Rontgene Solante, halos “zero” ang posibilidad na kumalat o makapasok ang pneumonic plague sa bansa mula sa ibang lugar.
Pinawi rin ni Solante ang pangamba ng mga Pinoy hinggil sa naturang salot, lalo na at wala pa rin naman aniyang kumpirmasyon hinggil dito mula sa Russian government.
Ipinaliwanag ni Solante na bagama’t ang modernong air travel ay maaaring maling dahilan ng pagkalat ng anumang mikrobyo, ang pneumonic plague ay ‘uncommon’ o hindi naman pangkaraniwan.
Bagama’t walang banta, naka-monitor ang DOH at pinalalakas ang border surveillance sa mga paliparan para matukoy ang mga posibleng pasahero na may sintomas.
Sinabi pa ni Solante na ang pneumonic plague ay dulot ng Yersinia pestis bacterium na bihira lamang at mas malalang uri kumpara sa bubonic plague na nakakaapekto sa baga.
Maaari aniya itong maisalin ng tao sa tao o person to person, sa pamamagitan ng respiratory droplets, ‘di tulad ng bubonic plague, na tipikal na kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng pulgas.
Lumitaw ang mga alalahanin matapos mamatay ang isang 28-anyos na laboratory researcher sa isang anti-plague institute sa Siberia, Russia, dahil sa matinding pneumonia.
Nilinaw ng mga awtoridad sa Russia at ng World Health Organization (WHO) na hindi pa kumpirmado kung pneumonic plague ang sanhi ng pagkamatay, at wala ring naitatalang outbreak doon.
Nilinaw ng mga doktor na ang pneumonic plague ay nagagamot sa pamamagitan ng karaniwang antibiotics, lalo na kung maagang matutukoy.
- Latest

















