Pirates nilapa ng Red Lions
MANILA, Philippines — Muling nailabas ng defending champion San Beda University ang kanilang bangis matapos nilang lapain ang 83-74 panalo kontra Lyceum of the Philippines sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil Centre sa San Juan, kahapon.
Nakabangon ang Red Lions mula sa pagkakadapa sa una nilang laro kung saan ay pinayuko sila ng College of Saint Benilde 68-77 noong Setyembre 13.
Kinailangan ng San Beda na maghintay ng 11 araw bago mailabas ang kanilang gigil, sasabak sana agad sila noong Setyembre 18 laban sa Jose Rizal University pero naudlot ito dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Nakitaan ng tikas ang two-peat seeking SBU sa unang dalawang periods kung saan ay lamang sila ng pitong puntos, 45-38 sa halftime.
Hindi naman nagpabaya ang Red Lions sa second half kaya naman nasilo nila ang unang panalo sa dalawang salang
Impresibo ang inilaro ni Lawrence Hawkins para sa Mendiola-based squad matapos ilista ang double-double na 13 points at 12 rebounds kasama ang tig- dalawang blocks at steals.
“I just focused sa game namin and ‘di ko na nga napapansin ano score ko, nagtulungan lang kami as a team kasama ‘yong tulong ng mga coaches,” sabi ni Hawkins. “Sobrang important din talaga na masunod namin ‘yong system namin. ‘Di naman namin magagawa ‘to kung ‘di namin sinusunod ‘yong sistema.”
Pinamunuan ni Daniel Marcelo ang opensa para sa San Beda sa nilistang 16 points at walong rebounds.
Samantala, kinadena ng Letran ang pangatlong sunod na panalo matapos nilang tuhugin ang 91-80 panalo kontra Emilio Aguinaldo College.
Bumida sa opensa para sa Knights si rookie Justin Cargo matapos irehistro ang 22 points, tatlong rebounds at dalawang steals para tulungan ang koponan na upuan ang tuktok ng team standings sa Group B tangan ang 3-0 record.
- Latest















