Yulo siblings sumampa sa Finals
MANILA, Philippines — Sumampa si Paris Olympics double-gold medalist Carlos Yulo sa finals ng apat na apparatus sa 20th Asian Games men’s artistic gymnastics kahapon sa Nagoya City General Gymnasium (Rainbow Hall) sa Japan.
Dahil dito ay may apat na tsansa ang 26-anyos na si Yulo para makamit ang pinapangarap na kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Asiad gymnastics.
Ito rin ang kulang sa koleksyon ng world champion at Southeast Asian Games winner.
Pasok si Yulo sa finals ng men’s floor exercise, vault, parallel bars at team event
Tumapos ang 26-anyos na si Yulo sa top eight sa nasabing mga apparatus base sa resulta ng second at final subdivision ng men’s all-around qualification.
Bumandera si Yulo sa paboritong floor exercise sa kanyang 14.600 points, habang pang-pito siya sa vault sa nakolekta niyang 13.649 points.
Sa vault nagkaroon ng maling bagsak si Yulo.
Pumuwesto si Yulo sa pang-anim sa parallel bars sa naitalang 14.266 points.
Makakasama ni Yulo sa team event finals ang kanyang kapatid na si Eldrew at sina Miguel Besana, Justine Ace de Leon at Zach Nuñez
Bigo si Yulo at ang 18-anyos na si Eldrew na makapasok sa finals ng men’s individual all-around sa pagtatapos sa ninth at seventh place, ayon sa pagkakasunod.
Sasalang din si Eldrew sa finals ng floor exercise at horizontal bar kagaya ni Besana sa men’s vault.
- Latest


















