Carlos may tsansa sa Asian games gold

MANILA, Philippines — May apat na tsansa si Paris Olympics double-gold medalist Carlos Yulo para makuha ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Asian Games gymnastics competition.
Ito ay matapos siyang magmartsa sa final round ng men’s floor exercise, vault, parallel bars at team event sa 20th Asian Games men’s artistic gymnastics kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Tumapos ang 28-anyos na si Yulo sa seventh place sa nasabing mga apparatus base sa resulta ng second at final subdivision ng men’s all-around qualification.
Sasalang din ang kanyang 18-anyos na utol na si Eldrew sa finals ng floor exercise at horizontal bar kagaya ni Miguel Besana sa men’s vault.
Samantala, tumiyak ng silver medal si Mixed Martial Arts expert Jean Claude Saclag matapos ang 3-0 dominasyon kay Japanese Daisuke Murayama sa semifinals papasok sa finals ng men’s traditional MMA -65kg.
Maaari pa itong gawing gold ng Team Lakay fighter sa pagsagupa niya kay Otabek Rajabov ng Tajikistan ngayong ala-1:20 ng hapon.
Nakuntento si MMA fighter Carlos Alvarez sa bronze matapos ang 0-3 kabiguan kay Kazakhstan bet Yerkingalu Burkutalin sa men’s traditional MMA -77kg.
Sa swimming, hindi nakakuha ng medalya si Fil-Canadian Kayla Sanchez, ngunit nagposte ng bagong Philippine national record sa women’s 50m backstroke (28.19 segundo).
Sa women’s football, swak pa rin sa quarterfinals ang Filipinas sa kabila ng 1-5 pagkatalo sa China sa group stage.
Sa women’s indoor volleyball, winalis ng Alas Pilipinas ang Mongolia, 25-13, 25-11, 25-20, para palakasin ang pag-asa sa ninth place sa classification round.
Sa beach volleyball, giniba nina Khylem Progella at Sofiah Pagara sina Anal Fathimath at Areesha Aminath ng Maldives, 21-6, 21-11, sa Pool G ng women’s division.
Panalo rin sina James Buytrago at Ronniel Rosales kina Amar Batmunkh at Shijir-erdene Bat-enkh ng Mongolia, 21-11, 21-15, habang talo sina Lerry John Francisco at Ranran Abdilla kina Cherif Samba at Ahmed Janko ng Qatar, 7-21, 10-21, sa men’s class.
Sa men’s baseball, minasaker ng Phl baseball team ang Palestine, 12-0, sa preliminary round.
Sa wushu, pumuwesto sina taolu standouts Engr. Jones Llabres Inso at Alexander Gabriel De Los Reyes sa sixth at ninth places, ayon sa pagkakasunod, sa men’s taijiquan at taijijian finals.
Sa shooting, bigong makapasok si Jayson Valdez sa finals ng men’s Individual 10m air rifle sa tinapos na 35th place.
- Latest





















