Lisensiya ng 2 driver, suspindido
Kotseng nakahambala, bumbero naantala
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng mga driver ng mga sasakyang nakaparada sa daan dahilan sa pagkaantala ng responde ng mga fire truck ng Bureau of Fire Protection sa magkahiwalay na sunog sa Macabulos Street, Bangkal at Guadalupe Nuevo, Makati City.
Sa insidente sa Macabulos Street, Barangay Bangkal, Makati City, inamin ng driver na nakaparada ang kanyang sasakyan at nakaharang sa daanan, bagama’t ipinaliwanag niyang inaayos noon ang sasakyan, nakapatong ito sa jack at natanggal ang isang gulong kaya hindi agad mailipat.
Napatunayang may pananagutan ang driver sa mga paglabag na Obstruction of Traffic at Parking Prohibited in Specified Places. Idineklara rin siyang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na may tatlong buwang suspensyon ng kanyang lisensya.
Sa insidente sa Guadalupe Nuevo, Makati City, ipinaliwanag ng driver na wala umano siyang intensiyong harangan ang fire truck at hindi lamang agad nakahanap ng lugar na maaaring pagparadahan upang ito ay makadaan.
Makikita sa video na may mga espasyo sa kanang bahagi ng kalsada kung saan maaari sanang tumabi ang drayber, upang bigyang-daan ang rumerespondeng fire truck.
Napatunayang lumabag ang drayber at idineklara rin siyang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na nagresulta sa isang taong suspensyon ng kanyang lisensya.
- Latest



















