Gilas nalusutan ng Bahrain

MANILA, Philippines — Semplang ang Gilas Pilipinas sa unang pasada ng pagdepensa nito sa trono matapos ang dikit na 89-85 kabiguan kontra sa pinalakas na Bahrain sa pag-arangkada ng 2026 Asian Games kahapon sa Achi International Arena sa Japan.
Natulog sa pansitan ang Nationals nang maiwan agad sa 11 puntos at maging ang huling balikwas nito ay hindi sumapat tungo sa 0-1 kartada sa Group C.
Nahulog ngayon sa kumunoy ng must-win game ang Gilas kontra sa Kazakhstan at China sa makalawa upang manatiling buhay ang pag-asang maprotektahan ang korona.
Bagama’t huli nang dumating upang maging 12th man ng Gilas, walang kupas si Calvin Oftana na kumamada ng 31 puntos sa 11-of-19 shooting ngunit kapos pa rin para sa Nationals.
Nagdagdag ng 14 puntos si Adrian Nocum sahog pa ang 6 assists at 5 rebounds bago magtamo ng right ankle injury sa huling 2 minuto kung kailan humahabol ang Gilas.
Tanging si Justine Baltazar na may 10 puntos lang ang isa pang nakaiskor ng double digits para sa mga bataan ni head coach Tim Cone na ininda ang pagkatameme ng mga tirador na sina Robert Bolick, Sedrick Barefield at Jerrick Ahanmisi na nangitlog sa Asiad debut.
Naghabol sa hanggang 15 puntos, 61-76, ang Gilas bago magpakawala ng huling 24-13 birada upang makalapit sa 85-89 matapos ang tres ni Don Trollano sa huling 11 segundo.
Subalit hindi pabor sa Gilas ang oras kahit pa sablay ang 2 freethrows ni Ahmed Haji sa huling 3.8 segundo tungo sa kabiguan.
Naiwan agad sa 21-31 deficit ang Gilas sa 1st half bagama’t nakalamang pa sa 43-41 bago sumuko sa 13-0 balikwas ng Bahrain para makapagtayo ng 54-43 bentahe na hindi na nila pinakawalan pa.
Tumabo ng halos triple double na 24 puntos, 13 rebounds at 8 assists si dating NBA player Jakkar Sampson habang may tig-20 puntos sina Elijah Thomas at Mustafa Rashed para sa Bahrain na nagparada ng 4 na naturalized players upang dominahin ang mas maliit na Gilas.
- Latest
























