Number coding iiral sa araw ng SONA

MANILA, Philippines — Nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Linggo na hindi suspendido ang number coding scheme ngayong araw ng pagdaraos ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Wala pong suspension na inannounce ng number coding”, wika ni MMDA General Manager Nicolas Torre III.
Aniya, may 500 MMDA personnel, ang idineploy sa Commonwealth Avenue, sa Quezon City na may mobile command center na itinayo malapit sa Batasan Road.
Pinayuhan din ni Torre ang mga motorista na gumamit ng alternatibong mga ruta dahil sa inaasahang pagbagal ng trapiko sa Commonwealth Avenue, IBP Road at iba pang mga kalye sa paligid ng Batasang Pambansa Complex.
Gayunman, posibleng maglagay din ng zipper lane sa Commonwealth, depende sa assessment ng MMDA.
Isinara na sa motorista ang U-turn slots sa harap ng UP Technohub at Tandang Sora sa Commonwealth Avenue simula nitong Linggo, hanggang ngayong araw, Hulyo 27, kasunod nang kahilingan ng Quezon City Police District.
Magpapatupad din ang Quezon City government ng zipper lane mula sa Elliptical Road/Philcoa hanggang sa Sandiganbayan, at sa Doña Carmen patungong IBP Litex upang bigyang-daan ang mga sasakyan ng mga opisyal ng pamahalaan at mga bisitang tutungo sa Batasang Pambansa Complex.
- Latest






















