BJMP: Marcoleta inilipat na sa Quezon City Jail

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa kustodiya na nila si Senador Rodante Marcoleta kasunod ng utos ng Sandiganbayan Third Division na ilipat siya sa Quezon City Jail-Male Dormitory.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Supt. Jayrex Bustinera, bandang alas-10:49 ng umaga kahapon nang maipasok si Marcoleta.
Tiniyak din ni Bustinera na walang special treatment kay Marcoleta habang nakapiit sa QC Jail.
Nauna nang iniutos ng Sandiganbayan ang paglilipat kay Marcoleta matapos na lumabas sa “independent medical examination” ng University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) na wala ng pneumonia ang senador. Tiniyak din ng PGH na walang ebidensiya ng impeksiyon sa baga.
Ang pahayag na ito ay naglalayong magbigay ng tamang impormasyon sa gitna ng mga alegasyon tungkol sa kalusugan ni Marcoleta.
Matatandaang humiling ang kampo ng mambabatas na manatili muna sa ospital ang senador dahil sa mga nararamdaman nito sa kanyang katawan na maaaring dulot ng pneumonia at iba pang sakit.
Nahaharap ang senador sa kasong plunder na walang piyansa kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P75 milyong donasyon mula kina dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu bago ang campaign period para sa 2025 midterm elections. Naaresto rin ang tatlo at kasalukuyang nakakulong sa Quezon City Jail.
- Latest
















