^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Ang Batanes ay Pilipinas

Pilipino Star Ngayon

HINDI dapat palampasin ang pahayag ng ilang Chinese scholars sa isang symposium sa Jinan University sa Guangzhou, China noong Hunyo 30, kung saan iginiit umano nila na ang Batanes ay bahagi ng China dahil ito raw ay natural na ekstensiyon ng Taiwan. Maaaring hindi ito opisyal na posisyon ng Beijing, gaya ng pag­lilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA), pero hindi ibig sabihin ay walang saysay ang ga­nitong uri ng claim.

Sa panahon ngayon, hindi lamang barko, armas­, o mapa ang ginagamit sa pag-angkin sa teri­toryo. Ginagamit din ang akademya, sym­po­sium, lumang kasaysayan, at piling interpre­tas­yon ng geography para magtanim ng duda. Kapag inulit-ulit ang maling narrative, puwede itong gawing dahilan sa susunod na mas agre­sibong hakbang.

Kaya tama ang naging tugon ng National Historical Commission of the Philippines, DFA, Department of National Defense, at mga opisyal ng Batanes: ang Batanes ay Pilipinas. Hindi ito bukas sa debate. Hindi ito footnote ng Taiwan. Hindi ito teritoryong puwedeng basta iguhit muli sa mapa ng ibang bansa.

May sariling kasaysayan ang Batanes. May sariling kultura ang Ivatan. May sariling buhay, alaala, sakripisyo, at pagkakakilanlan ang mga taong matagal nang naninirahan doon. Hindi pu­wedeng burahin ang lahat ng iyon dahil lamang may ilang banyagang iskolar na gustong magpilit ng bagong naratibo.

Ang claim na ito ay insulto hindi lamang sa soberanya ng Pilipinas, kundi sa mga Ivatan mismo. Hindi sila abstract na populasyon sa isang geopolitical argument. Sila ay mga Pili­pino. Bumoboto sila bilang Pilipino, namumuhay sa ilalim ng batas ng Pilipinas, at matagal nang bahagi ng ating pambansang kasaysayan.

Mahalagang maging mahinahon ang bansa. Hindi kailangang mag-panic sa bawat walang-basehang pahayag. Pero hindi rin dapat maging­ kampante. Ang West Philippine Sea ay patunay na ang mga claim na dati ay tila malayo o katawa-tawa ay maaaring gamitin kalaunan para big­yang-katwiran ang presensiya, patrol, o panghihimasok.

Kaya ang sagot ng Pilipinas ay dapat mata­tag at malinaw: depensahan ang Batanes sa pa­mamagitan ng kasaysayan, batas, diplomasya, at aktuwal na presensya ng gobyerno. Palakasin ang serbisyo sa mga Ivatan. Palakasin ang coast guard at military patrols. Palakasin ang international support. At higit sa lahat, huwag hayaang malason ng propaganda ang katotohanan.

Hindi porke isinulat sa symposium ay nagi­ging kasaysayan. Hindi porke malapit sa Taiwan ay nawawala ang pagka-Pilipino ng Batanes.

Ang Batanes ay tahanan ng mga Ivatan. At ang Batanes ay Pilipinas.

TAIWAN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with