‘I will be bloodied but unbowed’

VP Sara sa impeachment ‘bloodbath’
MANILA, Philippines — Nagtungo kahapon sa Senado si Vice President Sara Duterte para sa ikalawang araw ng kanyang impeachment trial. Pero kahit nagtungo sa Senado, hindi pa rin humarap sa pagdinig ang Bise Presidente, na bumisita lamang sa kanyang mga abogado.
Nagbigay rin siya ng maikling mensahe sa pagharap niya sa media. “In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed,” ayon kay VP Sara, sa isang pulong balitaan.
Ang pahayag na ito ay sumasalamin sa tanyag na linya mula sa tula ni William Ernest Henley na “Invictus”— isang akdang may temang katatagan at pagtangging sumuko sa harap ng matinding pagsubok. Maaalalang noong Mayo 2025, una niyang ipinahayag na nais niyang ituloy ang impeachment trial dahil gusto raw niya ng isang “pagdanak ng dugo.”
Matapos ang maikling mensahe, umalis na ang Bise Presidente at tumanggi nang sumagot ng iba pang katanungan mula sa media.
Nauna rito, kinumpirma ni Atty. Michael Poa, spokesman ng defense team ni VP Sara, na darating ang kanilang kliyente sa impeachment trial dahil sa ilang engagements.
“Yes, I can confirm na dadating si Vice President Sara Duterte in a few minutes, but she will only be here for a meeting with the defense team,” ani Poa. “Meron kaming napag-usapan na magkikita kami today dito sa holding room ng defense team para magpaliwanag ang ilang bagay-bagay, but she will not be attending the hearing, the scheduled hearing this afternoon,” dagdag niya.
“She has engagements din po kasi; that’s why she’s in Manila, and she will have to proceed to her engagements after the meeting,” aniya pa.
- Latest























