BAVI humina bago pumasok sa PAR

MANILA, Philippines — Humina ang super typhoon Bavi bago pa man pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR). Mula sa 205 kilometers per hour, nasa 185 kph na lamang ang taglay na hangin ng bagyo at may pagbugso na 230 kph.
Ayon sa United States Joint Typhoon Warning Center na nakabase sa Guam, humina ang bagyo dahil sa eyewall replacement cycle kung saan nangyayari ito kapag makitid ang original eyewall ng isang napakalakas na bagyo at napapalitan ng mas malawak na outer eyewall.
Maaaring muling lumakas ang bagyong Bavi kapag natapos na ang proseso ng pagpapalit ng eyewall. Gayunman, maaaring hadlangan ito ng pagpasok ng tuyong hangin sa sentro ng bagyo at ng malakas na vertical wind shear sa silangan ng bagyo.
Kahapon, namataan si Bavi sa layong 1,845 km silangan ng Central Luzon at kumikilos sa west northwestward sa bilis na 20 kph. Oras na pumasok sa PAR tatawagain itong Inday. Maaaring mapanatili ng bagyo ang super typhoon category hanggang sa Huwebes, Hulyo 9.
Hindi naman inaasahan na magla-landfall ang bagyo kapag pumasok sa Philippine landmass at maaring dumaan sa Batanes sa Biyernes, Hulyo 10 bago lumabas ng PAR sa Sabado, Hulyo 11.
- Latest























