EDITORYAL - MMDA umaaksiyon ba sa mga nagtatapon ng basura?
Marami pa ring nagtatapon ng basura sa mga publikong lugar, ilog at estero. At tila hindi ito napapansin ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Nasaan na ang banta ng MMDA? Noong Abril, sinabi ng MMDA na aarestuhin ang mga magtatapon ng basura sa pamamagitan ng No Contact Apprehension Policy (NCAP). Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre III, gagamitin nila ang artificial intelligence (AI) cameras para hulihin ang mga walang diisiplinang magtatapon ng basura.
Kapag nahuli sa akto ang nagtatapon ng basura, ipadadala ang litrato nito sa barangay upang matukoy ang pagkakakilanlan at pagpapaliwanagin. kapag hindi kapani-paniwala ang paliwanag, iisyuhan ng ticket ang residente at magbabayad ng multa o di kaya ay sasampahan ito ng kaso. Ang multa ay nakabase sa ordinansa sa anti-littering ng local government units (LGUs).
Pero ilang buwan na ang nakalilipas mula nang magbanta ang MMDA, marami pa ring nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar, estero, sapa at iba pang daluyan ng tubig. Ang banta ba ng MMDA ay tulad din ng iba pang kampanya na “ningas kugon”?
Basura ang dahilan kaya nagbabaha sa Metro Manila. Kaunting ulan lang, umaapaw na ang mga kalsada. Walang madaanan ang tubig baha kaya naiistak nang matagal. Umaapaw sa basura ang mga kanal, estero at sapa. Noon pa, binabaha na ang España Boulevard, Rizal Avenue, United Nations Avenue, Quirino Avenue at Taft Avenue. sa Maynila; Araneta Avenue at Mother Ignacia sa Quezon City: Rizal Avenue at Monumento sa Caloocan City; Pasong Tamo Street at Buendia Avenue sa Makati City at ilang kalsada sa Pasay City.
Mga plastic na basura rin ang bumabara sa Araneta Avenue, Quezon City. Mga single-use plastics, sachet ng 3-in-1 coffee, shampoo, catsup, shopping bags, cup ng noodles at marami pang iba ang hinahakot pagkatapos ng baha.
Inamin noon ng MMDA na mga basurang plastic ang dahilan ng baha. Hindi raw kaya ng pumping stations na higupin ang baha dahil sa mga nakabarang basura.
Maraming beses nang nagsagawa ng kampanya ang MMDA sa mga nagtatapon ng basura subalit nauuwi ang lahat sa “ningas kugon”. Sa umpisa lamang maigting ang MMDA subalit makalipas lamang ang isa o dalawang buwan, naglaho na ang kampanya. Kaya ang resulta: lalong dumami ang tambak ng basura sa mga estero, kanal at ilog. Kadalasang informal settlers o squatters ang nagtatapon ng basura sa mga estero.
Ipatupad ni Torre ang paghuli sa mga magtatapon ng basura. Dapat maparusahan ang mga taong ito. Sila ang dahilan kaya hindi malutas ang pagbaha sa Metro Manila na ilang dekada nang problema.
- Latest



















