Salot sa gobyerno, espirito ng impiyerno!
MALAKING kontribusyon sa kamalayan ng mga kabataan ang mga ginagawang kabulastugan ng mga namumuno sa bayan.
Kabaligtaran ng Ten Commandments ang ginagawa ng mga hayok na pulitiko ngayon.
Ginagamit ang pangalan ng Diyos sa gawaing imoral, walang galang sa magulang, pangangalunya, pagpatay, pagnanakaw, bulaang saksi, nagpapahamak sa ngalan ng Diyos, Nagsisimba pero pakitang tao lang para makahatak ng boto. Totoo ‘yan!
Ang talamak na pagnanakaw ng mga pulitiko sa kaban ng bayan ay hindi kayang supilin ng kulungan. Basta may magaling na abogado at hustisyang nabibili at kayang lamunin ng impluwensya ng kapangyarihan ng mga ito ay wala nang matinong gobyerno tayong maa-asahan. Sila ang dahilan kung bakit tayo namumulubi.
Crocodile farm na ang tawag ngayon sa Kongreso at Senado at sa konseho naman ng local officials ay lungga ng mga bayawak. Puwede na rin nating bansagang bubuli ang mga barangay officials. He he!
Pangunahing pangarap na ngayon ng mga kabataan ang yumaman sa anumang paraan. Ano pa nga ba naman ang halaga ng kagandahang asal at karunungan kung kumukulo naman ang tiyan? E ‘di magsikap na lang na maging SK Chairman hanggang marating ang sukdulan. At magpayaman!
Tayong mga Pilipino ay namulat sa pagiging mapagkumbaba at mapagbigay na hinangaan ng mga dayuhan. Magalang sa mas nakatatanda at gising sa katuruan ng simbahan na nilamon ng panahon sa makabagong katuruan ng mga nagsulputang relihiyon na nagtuturo ng ibat-ibang interpretasyon at doktrina. Naging hanapbuhay na rin ang pagkakamal ng ‘‘ikapu’’ ng simbahan. Nakupo!
Dahil sa paglaganap ng kasamaan ay hindi nakapagtataka na makakarinig na tayo ng pandaigdigang programa nang pagbabawas ng populasyon na idadaan sa giyera at epidemya na tulad ng nasusulat sa bibliya!
- Latest















