Eala may bagong career-high sa WTA rankings
MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ni Alex Eala sa world rankings matapos sumulong sa No. 73 spot sa bagong listahan na inilabas ng WTA.
Ito ang pinakamataas na puwesto ng 19-anyos na Pinay netter mua sa kanyang dating puwesto na ika-75.
Malaking tulong ang pagpasok ni Eala sa semifinals ng prestihiyosong Miami Open kamakailan para makalikom ng puntos.
Tatlong Grand Slam winners ang isa isang pinataob ni Eala.
Una na si 2017 French Open titlist Jelena Ostapenko ng Latvia sa Round-of-64 kasunod si reigning Australian Open champion at world No. 5 Madison Keys ng Amerika sa Round-of-32, at si five-time Grand Slam winner Iga Swiatek ng Poland sa quarterfinals.
Natuldukan lang ang matikas na ratsada ni Eala nang yumuko ito kay world No. 3 Jessica Pegula ng Amerika sa semis.
Gayunpaman, sapat na ang mga panalo nito sa Miami Open para mapaangat ang kanyang puwesto sa WTA rankings mula sa kanyang dating posisyon na No. 140.
Dahil sa kanyang bagong puwesto sa No. 73, makasisiguro na si Eala ng tiket sa mga malalaking tournaments gaya ng mga Grand Slams partikular na ang nalalapit na French Open sa Mayo.
Magsisimula na ang clay season kung saan sasalang si Eala sa dalawang torneo sa Europa.
Unang masisilayan sa aksyon si Eala sa Oeiras Ladies Open sa Portugal sa Abril 14 hanggang 20 at ang Mutua Madrid Open sa Spain mula Abril 22 hanggang Mayo 4.
Sanay na si Eala sa clay court dahil nagkampeon na ito sa French Open doubles noong naglalaro pa ito sa juniors division noong 2021.
Nakaabot din ito sa semifinals ng French Open girls’ singles noong 2020.
- Latest