Aranas pasok sa Last 64
MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas sa tumbukan si Pinoy cue artist James Aranas nang payukuin si Albin Ouschan, 9-5 ng Austria sa second round winner’s qualification ng 33rd World Pool Championship na nilaro sa Green Halls sa Jeddah Saudi Arabia kahapon.
Usad sa Round-of-64 knockout stage ang 2023 World Cup of Pool co-champion na si Aranas kasama sina two-time world champion Carlo Biado at Philippine Sportswriters Association, (PSA) awardee Johann Chua na nagtala rin ng panalo sa Round 1 at 2.
Sadsad naman si 2016 at 2021 WPA World 9-ball Championship king, Ouschan sa loser’s bracket at muling nakatikim ng talo kaya sibak na ito sa $1,000,000 prize fund ng nasabing tournament.
Bukod kina Aranas, Biado at Chua, may siyam pang Pinoy ang sasargo sa last 64 at posibleng lahat ay uusad sa Round-of-32 dahil mga ibang lahi ang kanilang makakatapat.
Pipina sa last 64 sina Roland Garcia, Marvin Asis, Jefrey Roda, Anton Raga, Michael Feliciano, Bernie Regalario, Patrick Gonzales, Jeffrey Ignacio at AJ Manas.
Makakaharap ni Aranas si three-time world championship semifinalist David Aldaide ng Spain, katapat ni Biado si Chris Melling ng United Kingdom habang makakalaban ni Chua si Max Eberle ng USA.
- Latest

















