La Salle sumosyo sa No. 3 spot

MANILA, Philippines — Kinadena ng de La Salle University ang pangatlong sunod na panalo matapos panain ang Ateneo De Manila University, 25-15, 25-14, 20-25, 25-19 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament first elims na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, kagabi.
Pinangunahan ni Shevana Maria Nicola Laput ang opensa para sa Lady Spikers na sumalo sa No.3 spot sa team standings kasama ang Far Eastern University na tangan ang magkawangis na 4-2 cards.
Matapos kalawitin ang panalo sa sets 1 at 2 ay nabigla ang Taft-based squad sa tikas na ipinakita ng Blue Eagles kaya naman hindi naisakatuparan ng una ang asam na sweep.
Subalit hindi nagpabaya ang DLSU sa set 4, nakipagtulungan si Malaluan sa opensa kina Amie Provido, Alleiah Jan Malaluan at Angel Anne Canino para tapusin ang laro.
Tumikada si Laput ng 25 points mula sa 19 attacks at tig-tatlong blocks at service aces para sa DLSU, 17 puntos ang kinana ni Canino habang may 12 at pito sina Malaluan at Provido, ayon sa pagkakasunod.
Nagtala naman si Lyann Marie Louise De Guzman ng 16 markers pero hindi sapat para itaguyod sa panalo ang Ateneo na nalasap ang ika-5 talo sa anim na laro.
Samantala, dinurog ng defending champion National University sa tatlong sets ang Adamson University, 25-21, 25-23, 25-18.
Mabangis na hinarap ng Lady Bulldogs ang Lady Falcons matapos magliyab sa opensa si 6-foot-2 opposite spiker Alyssa Solomon upang ilista ang malinis na anim na panalo at hawakan ang solo liderato.
Tumikada si Solomon ng 22 points mula sa 15 attacks, apat na blocks at tatlong service aces para sa NU na tinapos ang Adamson sa loob lang ng isang oras at 26 minuto.
- Latest