‘Pagsipa’ kay VP Sara sa NSC maling hakbang — Panelo
MANILA, Philippines — Pinuna ni dating Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alisin si Bise Presidente Sara Duterte sa National Security Council (NSC).
Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo, na nagsilbing tagapagsalita ng Palasyo noong administrasyon ni Duterte, na ang pagtanggal kay VP Sara bilang miyembro ng NSC ay hindi magandang hakbang.
Matatandaan na sa inilabas na Executive Order No. 81, nireorganisa ni Marcos ang NSC kung saan inalis ang Bise Presidente at ang mga dating presidente sa komposisyon nito.
Sa tingin ni Panelo, mayroong halong politika ang hakbang para pababain ang politikal na impluwensiya ni VP Sara, ani Panelo.
Sa pag-iisyu ng EO 81, sinabi ng Pangulo na kinakailangan ang hakbang na ito upang matiyak na magiging mas matatag ang NSC bilang isang pambansang seguridad na institusyon, na kayang umangkop sa mga nagbabagong hamon at oportunidad, kapwa sa loob at labas ng bansa, at upang matiyak na ang mga miyembro ng NSC ay “nagmumungkahi at nagpoprotekta sa pambansang seguridad at soberanya, na nagpapalago ng kapaligiran na magtataguyod ng epektibong pamamahala at katatagan.”
Sa isang maikling pahayag, sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na sa ngayon, ang Bise Presidente ay ‘’hindi itinuturing na may kinalaman sa mga responsibilidad ng pagiging miyembro ng NSC.’’
Sinabi ni Bersamin na may kapangyarihan ang Pangulo na magdagdag ng mga miyembro sa komposisyon ng NSC kung kinakailangan.
Bukod sa Bise Presidente tinanggal din sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Gloria Macapagal-Arroyo at Joseph Estrada.
Sinabi ni Panelo na ang hakbang na ito ay ginawa upang “itago ang pag-aalis kay VP Sara bilang miyembro upang magmukhang hindi siya ang pangunahing tinatarget.”
- Latest