Lavandia nagtala ng bagong record
CHINESE-TAIPEI-- Inalalayan si Elma Muros-Posadas palabas ng kanyang lane dahil sa isang injury.
Sa kabila nito, pinakinang pa rin ni Erlinda Lavandia ang kampanya ng Pilipinas matapos maghagis ng record-setting performance sa javelin event ng 17th Asia Masters Athletics Championships.
Bumato si Lavandia ng bagong markang 32.26 metro sa women’s 60-64 years old javelin throw event para angkinin ang gintong medalya at burahin ang dating rekord na 27.36m ni Kato Atsuko ng Japan sa Chiang Mai, Thailand noong 2009.
Hawak ni Lavandia ang mga ja-velin throw records sa 40-yrs old class sa Jakarta noong 1994, sa 45-yrs old sa Okinawa noong 1998, sa 50-yrs old sa Dalian, China noong 2002 at sa 55-yrs old sa Kuala Lumpur noong 2010.
Nanibago naman si Lavandia sa kanyang ginamit na 400-gram spear na mas magaan kumpara sa inihahagis niyang 600-gram spear.
“Kaya sa sixth throw ko na nakuha ‘yung record e. Yung mga unang bato ko, lumiliku-liko yung javelin,” ani Lavandia.
Paborito namang manalo si Muros-Posadas sa women’s 80m hurdles sa women’s 45-49 years old nang magkaroon siya ng pulled hamstring injury matapos lundagin ang dalawang bars. Kaagad siyang dinala sa Taipei City Sports Park clinic at ipinagpahinga ng isang oras.
Sinabi ni delegation head at National Masters and Seniors Athletic Association of the Philippines (NMSAAP) president Manny Ibay na oobserbahan nila si Muros-Posadas sa susunod na tatlong araw kung makakalaro pa sa long jump event.
“We are concerned about her health, we don’t want to push Elma further,” wika ni Ibay kay Muros-Posadas.
- Latest
- Trending