Tres Queridas (67)
WALA pang sampung segundo mula nang kumilos ang mga tauhan sa eskinita bago tuluyang nilamon ng dilim si Arthur.
Walang putok ng baril. Walang sigawan na nakatawag ng pansin sa mga naglalakad sa kabilang kalsada. Isang mabilis na dagok sa sikmura ang nagpatiklop sa tuhod ng executive aide, at bago pa man nito maibuka ang bibig upang sumigaw, dalawang malalaking kamay na ang bumuhat sa kanya papasok sa nakabukas na sliding door ng isang itim at tinted na van sa dulo ng eskinita, kasabay nang mabigat na duffel bag na puno ng pera.
Ilang sandali lang ang lumipas, bumukas muli ang pinto ng van upang papasukin sina Celeste at Diana. Pagkalapat ng pinto, biglang namatay ang nakabibinging ingay ng mga jeepney at bus sa labas. Ang tanging maririnig sa loob ng soundproofed na sasakyan ay ang mahinang ugong ng aircon at ang mabilis na paghinga ni Arthur habang nakaluhod sa sahig. Nang mag-angat ng tingin si Arthur at makita kung sino ang nakatayo sa harap niya, nanlaki ang kanyang mga mata. “M-Ma’am Celeste...”
Marahang lumapit si Celeste sa head of security na nakatayo sa gilid ng van, kinuha ang hawak nitong baril, at umupo sa tapat ni Arthur.
“Dalawang tanong lang, Arthur,” sabi ni Celeste. Walang panginginig sa boses niya. Mas nakakikilabot pa ang katahimikan niya kaysa sa kahit anong sigaw. “At mayroon ka lang dalawang minuto bago ko utusan ang mga taong ito na itapon ka sa Manila Bay nang may bala sa ulo.”
“Ma’am, wala akong nagawa—” nanginginig na simula ni Arthur, namumuo ang malamig na pawis sa kaniyang noo. “Hawak nila ang pamilya ko sa probinsya! Binantaan ni Carlo na papatayin niya ang asawa at anak ko kung hindi ko gagawin ang—”
Click. Ikinasa ni Celeste ang baril. Napasinghap si Arthur at napasandal sa dingding ng van, nanlalaki ang mga mata sa takot.
“Hindi ko tinatanong kung bakit mo ito ginagawa,” putol ni Celeste, hindi man lang kumukurap. “Ang una kong tanong: anong lason ang inihalo mo sa tubig ng daddy ko?”
Napalunok nang sunud-sunod si Arthur, nanginginig ang mga labi habang nakatitig sa bakal na nakatutok sa mukha niya. (Itutuloy)
- Latest















