^

Punto Mo

EDITORYAL - Malaya na si Mary Jane pero…

Pang-masa

NAKALAYA na si Mary Jane Veloso makaraang bigyan ng absolute pardon ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Huwebes. Kinabukasan, lumabas na siya sa Correctional Institution for Women (CIW).

Labing-anim na taon siyang nakulong mula nang maaresto sa Indonesia noong 2010 dahil sa ilegal na droga. Bibitayin na sana si Mary Jane subalit umapela ang gobyerno noon ni dating President Noynoy Aquino sa lider ng Indonesia kaya napigilan ang paggawad ng parusang kamatayan.

Bagama’t nakalaya na si Mary Jane, hindi dapat dito matapos ang usapan tungkol sa nangyari sa kanya. Nararapat na may aral na makuha ang pamahalaan sa nangyari.

Nahuli si Mary Jane sa Yogyakarta airport matapos makitaan ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang maleta. Iginiit ni Mary Jane na hindi niya alam na may droga roon at naloko siya ng recruiter habang naghahanap ng trabaho bilang domestic helper.

Ang kanyang kaso ay paalala kung gaano kadaling malagay sa panganib ang isang Pilipinong desperadong makahanap ng trabaho sa ibang bansa. Kaya kulang ang simpleng payo o paalala na “mag-ingat sa recruiter.”

Kailangang mas mahigpit ang monitoring sa recruitment, lalo na sa online kung saan mas mabilis maganap ang illegal recruitment at human trafficking.

Kailangan din nang maayos na coordination sa ibang bansa para mapigil ang mga sindikatong gumagamit sa mga naghahanapbuhay bilang drug mule.

Mahalaga rin ang agarang legal assistance kapag may Pilipinong naaresto sa ibang bansa. Sa kaso ni Mary Jane, may mga naging problema sa pagsasalin ng wika at legal representation noong kanyang ­paglilitis sa Indonesia, mga sitwasyong maaaring lalo pang magpahina sa posisyon ng isang migrant worker na hindi pamilyar sa batas at sistemang kanyang kinakaharap.

Ngayon, may reintegration assistance na nakalaan para kay Mary Jane, kabilang ang livelihood, counseling at skills development, at nagbigay na rin ng financial aid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanyang pamilya.

Pero ang tunay na aral ay dapat mauna bago pa may kailangang sagipin. Ang proteksiyon sa migranteng Pilipino ay hindi dapat nagsisimula kapag inaresto o kaya’y nasa kulungan na ito.

Dapat nagsisimula ito bago pa siya sumakay ng eroplano. Dito makikita kung may malasakit at proteksiyon na inilalaan ang pamahalaan sa mga Pinoy na magtatrabaho sa ibang bansa. Ang nangyari kay Mary Jane ay maaring mangyari muli kung hindi magkakaroon ng malasakit sa mga Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibang bansa.

FERDINAND MARCOS JR.

MARY JANE VELOSO

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with