Lipad Lokal, Presyong Global!
Ano ba ’yan, mga kabayan? Sariling bansa na nga natin, bakit parang kailangan mo pang maging milyonaryo para makapagbakasyon?
Gusto mong mag-Cebu, Bohol, Palawan o Siargao. Excited ka pa. Nagplano ka na. Tapos pag-check mo ng airfare? “HA?! GANYAN KAMAHAL?”
Mapapaisip ka tuloy: “Baka mas mura pa akong lumipad palabas ng Pilipinas!” Hindi naman lahat ng domestic flight ganito, at hindi rin sa lahat ng petsa. Pero kapag may pagkakataong ang pamasahe sa loob ng bansa ay kapantay o mas mataas pa sa ilang international fares, natural lang na magtanong ang ordinaryong Pinoy:
Bakit? May fuel costs. May airport charges. May buwis. May demand. May kapasidad. May iba’t ibang gastos ang airlines. May promosyon din na minsan nakakapagpababa ng presyo. Kaya hindi rin tama na basta-basta magbintang. Pero hindi ibig sabihin na mananahimik na lang ang pasahero.
Dito dapat pumasok ang gobyerno at mga regulator. Kailangang tingnan kung ano ang puwedeng gawin para maging mas abot-kaya ang domestic travel mula sa airport charges hanggang sa kompetisyon at kapasidad ng mga ruta. Kasi ang tourism campaign natin, ang ganda: “It’s More Fun in the Philippines!”. Pero pagdating sa booking. “It’s More Expensive in the Philippines! Aray!
Ang problema, hindi naman lahat ng Pinoy may perang pang-business class. Ang karamihan, nag-iipon. Iyong pamilyang gustong makapagbakasyon kasama ang mga anak. Iyong manggagawang gustong makauwi sa probinsiya. Iyong simpleng empleyadong gusto lang makakita ng ibang isla sa sariling bayan. Kapag mahal ang airfare, hindi lang pasahero ang apektado. Puwede ring tamaan ang hotels, restaurants, tour guides, transport operators at maliliit na negosyong umaasa sa mga turista.
Napakaganda ng Pilipinas. Ang tanong, bakit parang ang mahal ng entrance fee sa sarili dating paraiso? Hindi sapat ang magagandang tourism slogan. Kung seryoso tayo sa pagpapalago ng local tourism, dapat ding seryosohin ang affordability at accessibility ng biyahe. Dahil ang Pilipinas ay hindi dapat maging playground lang ng may malalim na bulsa. Pinas natin ’to. Dapat kaya rin nating libutin.
Disclaimer: Opinyon lamang ang artikulong ito. Hindi nito sinasabing lahat ng domestic flights ay mas mahal kaysa international flights. Nagbabago ang airfare depende sa ruta, petsa, demand, booking period, promosyon, fuel costs, buwis, airport charges at iba pang salik. Ang artikulong ito ay hindi paratang ng ilegal na gawain laban sa anumang airline, ahensiya o indibidwal.
- Latest



















