Imago (99)
DAHAN-DAHANG bumukas ang mabigat na bakal na gate habang ang makina ng bangka ay nag-uumugong sa gitna ng tubig. Handa na si Maya na paharurutin ito palayo nang biglang mamatay ang mga ilaw sa paligid at mapalitan ng isang solong, matalas na spotlight na nakatutok sa kanila.
“Hindi ka pa rin nagbabago, Maya. Palagi ka pa ring nagmamadali.”
Napatigil si Maya. Ang boses na iyon, hindi na ito mula sa distorted ng speaker. Nanggagaling ito sa itaas.
Dahan-dahang itiningala ni Maya ang ulo. Sa ilalim ng liwanag ng spotlight, nakatayo ang isang lalaking nakasuot ng maitim na suit at may malamig na ngiti sa kanyang mga labi.
Bumagsak ang panga ni Maya. Ang pagkakahawak niya sa pipe wrench ay dahan-dahang lumuwag.
“Nelson...?” bulong ni Maya, tila pinipilit ng kanyang isip na tanggapin ang nakikita ng mga mata.
Si Nelson. Ang taong tumulong sa kanya noong mga unang araw ng kanyang paghahanap. Ang lalaking itinuring niyang kakampi. Siya ang Director. Isa siya sa namamahala sa lugar na ito.
“Akala mo ba talaga ay nagkataon lang ang lahat ng pinto na nabuksan mo?” malamig na natawa si Nelson. “Inakay kita rito, Maya. Kailangan namin ang kanyang memorya, ngunit kailangan din namin ang iyong galit upang mabuo ang synchronization.”
Ang pagkagulat ni Maya ay tila malamig na kutsilyong sumaksak sa kanyang dibdib. Ang lahat ng kanyang paghihirap, ang bawat pasilyo na kanyang pinasok, mga hakbang? lamang sa larong itinakda ni Nelson.
“Iyon ang akala mo,” galit na bulong ni Maya. Bago pa man makagalaw ang mga tauhan ni Nelson, pinitik ni Maya ang switch ng engine at buong-lakas na ipinukpok ang baril sa control panel ng gate lever. (Itutuloy)
- Latest



















